Pumunta sa nilalaman

Si Brother Miguel Silva at ang asawa niyang si Mónica, na binabasa ang karanasan ni Brother Konstantin Bazhenov sa JW Balita

ABRIL 9, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Pinapatibay at Pinagkakaisa ng mga Artikulo sa JW Balita ang Ating mga Kapatid sa Buong Mundo

Pinapatibay at Pinagkakaisa ng mga Artikulo sa JW Balita ang Ating mga Kapatid sa Buong Mundo

Ang mga artikulo sa JW Balita tungkol sa ating mga kapatid na pinag-uusig ay nakakatulong sa atin na magtiis. Lalo natin silang nakikilala sa mga profile nila, at dahil sa mga komento nila, napapatibay tayo, nagkakaisa, at nakikita nating masaya pa rin sila. Ipinapakita ng sumusunod na mga karanasan kung paano nakakatulong ang mga artikulong ito sa ating mga kapatid sa buong mundo.

Pagpopokus sa Magagawa Natin

Si Brother Miguel Silva at ang asawa niyang si Mónica (makikita sa itaas) ay mga special pioneer sa Portugal. Gaya ng marami sa atin, nagbago rin ang kanilang buhay dahil sa pandemic. Kaya baka mag-alala tayo at mapagod nang husto. Pero napatibay sila ng report sa JW Balita tungkol kay Brother Konstantin Bazhenov. Gusto ni Konstantin na magbasa ng Bibliya pero wala siyang makuhang Bibliya sa loob ng bilangguan. Sa halip na malungkot, isinulat niya ang lahat ng tekstong naaalala niya at gumawa siya ng sarili niyang “Bibliya.” Napakahalagang aral nito para kina Miguel at Mónica. Sinabi ni Miguel: “Sa halip na magpokus sa kung ano ang hindi namin magawa dahil sa pandemic, nagpokus kami at nagpahalaga sa nagagawa namin sa bahay.”

Nagpasiya rin sina Miguel at Mónica na dagdagan ang kanilang oras sa pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Bibliya araw-araw. “Natitiyak namin na kapag kailangan namin ito, tutulungan kami ni Jehova na maalala ang lahat ng napag-aralan namin,” sabi ni Mónica. “Nakatulong [din] sa amin ang karanasan ni Brother Bazhenov na ituring ang ‘house arrest’ namin nitong pandemic na pagkakataon para patibayin ang iba, umawit nang masaya kay Jehova, at pagbutihin pa ang aming mga panalangin,” sabi naman ni Miguel.

Pagdaig sa Takot sa Pag-uusig

Binabasa ni Sister Christine Mouhima Etonde ang tungkol sa pagtitiis ng mga kapatid na pinag-uusig sa Russia

Sinabi ni Sister Christine Mouhima Etonde, isang regular pioneer sa Cameroon, na natatakot siya kapag nakakabasa siya ng mga report tungkol sa pag-uusig. Pero sinabi niya kung paano nagbago ang kaniyang pananaw: “Dahil sa mga artikulo sa JW Balita tungkol sa ating mga kapatid na nagtitiis ng pag-uusig, nagbago na ang pag-iisip ko. Kapag nababasa ko ang saloobin ng aking mga kapatid at ang kanilang espesipikong mga panalangin, kapag nakikita ko ang mga ngiti nila at kung paano nila inihahanda ang kanilang sarili bago ang pag-uusig—bata man sila o matanda—napapatibay ako nito na higit pang makilala si Jehova. Lalong lumalim ang pag-ibig ko sa kaniya, kaya hindi na ako natatakot kapag iniisip kong pag-uusigin ako. Nai-imagine ko na masaya pa rin ako, nananalangin, at nagbubulay-bulay tungkol kay Jehova.”

Paghahandang Ipagtanggol ang Pananampalataya

Pinag-uusapan ni Brother Iulian Nistor at ng asawa niyang si Oana ang mga artikulo sa JW Balita tungkol sa ating mga kapatid na ipinagtatanggol ang kanilang pananampalataya

Naantig si Brother Iulian Nistor at ang asawa niyang si Oana na taga-Romania sa pagtatanggol ni Brother Anatoliy Tokarev sa pananampalataya niya sa korte. Mahinahon siya, magalang, at determinadong manatiling tapat. Ang kaniyang halimbawa ay nakatulong kina Iulian at Oana na mag-isip kung paano nila ipagtatanggol ang kanilang pananampalataya sa korte. “Sa family worship namin, kunwari kausap namin ang isang hukom at ipinagtatanggol ang aming pananampalataya. Hindi madaling sabihin ang aming mga paniniwala sa mataktika at magalang na paraan gaya ng ginawa ng ating kapatid,” ang sabi ni Oana. “Pagkatapos ng family worship, mas napalapít kami sa mga kapatid. Nakita rin namin ang kahalagahan ng pagiging handang ipagtanggol ang ating pananampalataya at laging pagsasaisip kung bakit proud tayong maging Saksi ni Jehova.”

Pagsuri sa Kalidad ng Ating mga Panalangin

Binabasa ni Sister Anna Ravoajarison mula sa Madagascar ang bagong mga artikulo sa JW Balita

Napakilos si Sister Anna Ravoajarison mula sa Madagascar na suriin ang kalidad ng kaniyang mga panalangin. Nang mabasa ni Anna ang karanasan ni Brother Jovidon Bobojonov, nasabi ni Anna: “Kapag masyado akong busy sa mga gawain ko sa araw-araw, parang paulit-ulit na lang ang mga panalangin ko. Hindi ko na napag-iisipan ang sasabihin ko kay Jehova.” Inisip niyang nasa kalagayan siya ni Jovidon. ‘Espesipiko rin kaya ang mga panalangin ko kung nasa ganoong sitwasyon ako?’ ang tanong niya sa sarili. “Natutuhan kong maglaan ng panahon para pag-isipan ang sasabihin ko kay Jehova bago manalangin. Nagpapasalamat ako sa mga report na iyon.”

Mas Mahabagin sa Ating mga Kapatid

Si Brother Ruben Catarino at ang asawa niyang si Andreia na nagbabasa tungkol sa mag-asawa sa Russia na nililitis dahil sa kanilang pananampalataya

Naging mas malapít sa mga kapatid si Brother Ruben Catarino at ang asawa niyang si Andreia, mga regular pioneer sa Portugal. Sabi ni Ruben: “Alam namin na pinag-uusig ang ating mga kapatid sa ibang bansa, pero hindi namin sila kilala. Hindi namin alam ang pangalan nila, ang buhay nila, o ang mga problemang nakakaharap nila. Dahil sa mga artikulong ito, talagang kilala na namin sila ngayon. Espesipiko na namin silang maipapanalangin. Mas napapalapít kami sa ating mga kapatid at nagiging mas makabuluhan ang aming mga panalangin.”

Napakahalaga ng Personal Study

Ginagamit ni Sister Cecilia Cardoso ang JW Balita sa kaniyang personal Bible study

Tiyak na marami sa atin ang gaya ni Sister Cecilia Cardoso, isang regular pioneer sa Portugal, na nagsabi: “Dahil sa karanasan ng ating mga kapatid, napahalagahan ko ngayon ang personal study. Dahil mas maraming oras ako sa pagba-Bible study, lalo kong mamahalin at pagtitiwalaan si Jehova. Tutulungan niya akong makita na parang isang butil lang ng buhangin ang takot. Natutuhan ko na madadaig ka ng takot kapag hindi ka na nagtitiwala kay Jehova.”

Nagpapasalamat tayo sa makabagong-panahong mga halimbawa ng lakas ng loob at pananampalataya na inilalathala sa jw.org. Dahil sa mga ulat na ito, “lalakas ang loob natin at masasabi natin: ‘Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.’”—Hebreo 13:6.