ABRIL 30, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Pinapatibay ng mga Kapatid sa Buong Mundo ang mga Naaapektuhan ng Pandemic
Sinusunod ng bayan ni Jehova ang mga paraan para maprotektahan ang kalusugan laban sa pandemic na ito, pero may mga kapatid pa rin na namatay. (Eclesiastes 9:11) Nakakalungkot, 872 sa ating mga kapatid sa buong mundo ang namatay dahil sa COVID-19. Kaagad na sinuportahan at pinatibay ng ating mga kapatid ang mga nagdadalamhati. (1 Corinto 12:26) Higit sa lahat, nagtitiwala sila na laging tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangako sa Filipos 4:7 na bibigyan niya tayo ng kapayapaan.
Si Sister Hannchen Unnützer, isang special pioneer sa Bolzano, sa northern Italy, ay natulungan ng organisasyon ni Jehova. Nakakalungkot, namatay ang mister niya na si Brother Manfred Unnützer noong Marso 28, 2020 dahil sa virus. Nasa pantanging buong panahong paglilingkod si Brother Unnützer nang halos 58 taon, at halos 54 na taon naman ang kaniyang asawa. Magkasama silang naglingkod sa gawaing pansirkito sa loob ng 25 taon. Halos 1,000 kapatid mula sa iba’t ibang bansa ang nakapanood sa pahayag sa libing gamit ang videoconference.
Sinabi ni Sister Unnützer: “Nagpapasalamat ako sa mga kapatid. Hindi nila ako iniwang mag-isa. Lagi silang nandiyan sa tabi ko. Damang-dama ko ang pagmamahal nila! Pinatibay nila ako sa emosyonal, espirituwal, at pisikal na paraan. Mahal ko ang mga kapatid ko.”
Si Maria Jose Moncada at ang mister niyang si Darwin ay tinulungan din sa panahon ng kanilang pagdadalamhati. Naglilingkod sila sa mga nagsasalita ng Quichua sa kabundukan ng Ecuador. Nakakalungkot, namatay dahil sa virus ang mga magulang ni Sister Moncada—sina Sister Fabiola Santana Jordan, 56, na isang regular pioneer, at Brother Ricardo Jordan, 60, na isang ministeryal na lingkod sa Praderas Congregation sa Guayaquil. Anim na araw lang ang pagitan ng kanilang pagkamatay. Nahawa din ang dalawang kapatid na lalaki ni Sister Moncada pero gumaling ang mga ito.
Sobrang lungkot ni Sister Moncada kaya gusto niyang puntahan ang kaniyang pamilya kahit apat na oras ang biyahe. Gusto sana niyang tulungan sila lalo na sa pag-aasikaso ng libing. Pero nanalangin silang mag-asawa at nagpasiyang huwag nang magpunta sa Guayaquil. Kaya nakipag-usap na lang sila sa kanilang mga kamag-anak gamit ang videoconference. Sinabi ni Sister Moncada: “Kung nakipagkita kami sa aming mga kamag-anak, baka magkasakit kami at mahawa pa ang iba.”
Hirap na hirap ang kalooban ni Sister Moncada dahil sa “kirot at pag-aalala.” Pero hindi nila pinabayaang mag-asawa ang kanilang espirituwalidad at “lagi silang nananalangin kay Jehova para sa kaniyang patnubay.” Naghanda pa rin ang mag-asawang Moncada para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Inimbitahan nila ang mga Bible study nila, at nagbasa sila ng mga teksto sa Bibliya tungkol sa mga huling araw ni Jesus sa lupa. Nag-letter writing din sila at dumalo sa mga pulong ng kongregasyon gamit ang videoconference. Siyam sa mga di-Saksing kamag-anak ni Sister Moncada ang nakinig sa Memoryal sa wikang Spanish gamit ang videoconference.
“Napatibay kaming makita ang mga Bible study namin na nagsikap para mapanood ang pulong online kahit hindi ito madali para sa kanila,” ang sabi ni Sister Moncada. Sinabi pa niya: “Natuwa rin ako nang makita ko ang mga kapamilya ko na nanonood kahit nasa ibang bansa sila.”
Sinabi pa ni Sister Moncada: “Napakasakit ng naranasan namin, pero dahil patuloy kaming naglilingkod kay Jehova, nakayanan namin ang kirot at nakita namin ang pagpapala ni Jehova.”
Nakikiramay tayo sa mga namatayan ng mga mahal sa buhay dahil sa pandemic, at patuloy natin silang isasama sa ating mga panalangin. Hinihintay natin na wakasan na ni Jehova ang lahat ng dahilan ng kirot, gaya ng mga salot, pati na ang pagbuhay-muli sa lahat ng tapat na lingkod niya na namatay.—1 Corinto 15:21, 22.