Pumunta sa nilalaman

Si Sister Mieko Yoshinari sa Japan na isinusulat ang kaniyang mga komento sa malalaking letra dahil malabo na ang paningin niya

ABRIL 28, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Pioneer Service School—Idinaos sa Pamamagitan ng Videoconference sa Kauna-unahang Pagkakataon

Pioneer Service School—Idinaos sa Pamamagitan ng Videoconference sa Kauna-unahang Pagkakataon

Dahil sa pandemic, idinaos sa kauna-unahang pagkakataon ang mga Pioneer Service School sa buong daigdig sa pamamagitan ng videoconference noong 2021 taon ng paglilingkod. Bilang pasasalamat sa paglalaang ito ng organisasyon ni Jehova, ginawa ng mga estudyante ang kanilang buong makakaya para madaluhan ito. Ipinapakita ng sumusunod na karanasan kung paano tinulungan ni Jehova ang ilang pioneer na makadalo sa kabila ng mahihirap na kalagayan at problema.

Si Sister Mieko Yoshinari sa Japan ay 30 taon nang regular pioneer. (Tingnan ang larawan sa simula.) Kahit na nahihirapan siyang gumamit ng gadyet at malabo na ang kaniyang paningin, pursigido siyang mag-aral sa pioneer school. Sinabi niya: “Naghahanda ako ng mga komento; isinusulat ko sa malalaking letra ang na-research ko para mabasa ko. Pinatibay ako ni Jehova sa pamamagitan ng pioneer school.”

Si Sister Anita Kariuki, na nakatira sa Thika, isang bayan na malapit sa Nairobi, Kenya, ay nagtatrabaho bilang beautician para masuportahan ang kaniyang pagpapayunir. Para makapag-aral, kailangan niyang isara ang kaniyang parlor nang isang linggo. Noong una ay nag-aalala si Anita, pero lubusan siyang nagtiwala na tutulungan siya ni Jehova. Sabi niya: “Nanalangin ako kay Jehova na tulungan ako at nagpatuloy lang ako sa aking ministeryo.” Noong dulo ng linggo bago magsimula ang klase, nakaipon siya ng pera para sa karamihan ng gastusin niya. Kahit na kulang pa siya nang $30 (U.S.), nag-aral siya. Pagkatapos ng sesyon noong Miyerkules, tumawag ang isang kliyente ni Anita para bayaran siya. Iyon ang eksaktong perang kailangan niya!

Binaha ang bahay ni Sister Laurenth Madrigales sa Yoro, Honduras, at punô ng tatlong-talampakang putik ang bahay niya dahil sa mga bagyong Eta at Iota. Nang panahong anyayahan si Laurenth na mag-aral sa pioneer school, nawalan ang pamilya niya ng halos lahat ng ari-arian at pansamantala silang lumikas. Tuwang-tuwa siyang maanyayahan, pero nag-aalala siya na baka hindi malinis ng pamilya niya ang bahay nila para makapag-aral siya sa pioneer school. Sabi ni Laurenth: “Sinisimulan naming maglinis nang maaga at gabi na kami natatapos. Ginawa namin ito nang ilang araw. Pagod na pagod ako. Pakiramdam ko wala na akong lakas para paghandaan ang klase at sinabi ko sa mga brother na hindi ako makakasama sa klase.” Sinabi niya kay Jehova na lungkot na lungkot siya sa nangyari. Laking gulat niya, dahil mga ilang araw bago magsimula ang klase, dumating ang Disaster Relief Committee para tulungan siyang maglinis ng bahay niya. Kaya nagkaroon siya ng panahon para makapaghanda at makapag-aral sa pioneer school sa bahay niya mismo.

Si Sister Laurenth Madrigales sa Honduras at ang bahay niya na sinira ng bagyo bago ito nilinis

Si Brother Spencer Stash at ang asawa niyang si Alexandra ay mga regular pioneer sa Cleveland, Ohio, United States. Bago magsimula ang klase, naospital ang tatay ni Spencer na si Robert, na isa nang biyudo. Nag-aalangan sila kung tutuloy ba silang mag-aral. Pinatibay sila ni Robert na mag-aral sa pioneer school. Nakakalungkot, dalawang araw bago magsimula ang klase, namatay ang tatay ni Spencer. Kahit na lungkot na lungkot, ang unang araw lang ng klase ang hindi nila nadaluhan. Marubdob silang nanalangin, at binigyan sila ni Jehova ng lakas na kailangan nila para makapag-aral sa pioneer school. Sinabi ni Spencer na nakadama siya ng kapayapaan dahil nasunod niya ang gusto ng tatay niya. Sinabi pa ni Spencer: “Sasabihin namin sa hinaharap kapag binuhay na siyang muli na nakapag-aral kami sa pioneer school at ibabahagi namin sa kaniya ang ilang bagay sa natutuhan namin. Malaking tulong sa amin ang pampatibay ng aming mga kaklase at mga tagapagturo.”

Si Brother Jung Dae-sik sa South Korea ay nakatira sa isang nursing home sa nakalipas na 10 taon. Naka-wheelchair siya pagkatapos ma-stroke at maparalisa ang ilang bahagi ng katawan niya. Sinubukan niyang makapag-aral sa nakalipas na mga pioneer school, pero dahil sa kaniyang problema sa kalusugan, isang araw lang ang nadadaluhan niya. Kaya nang maimbitahan siyang makapag-aral sa pamamagitan ng videoconference, napakasaya niya. “Nagpapasalamat ako sa kaayusang ito at hindi ko mapigilang maluha. Kung walang ganitong kaayusan, hinding-hindi ako makakapag-aral sa pioneer school,” ang sabi niya. “Tuwang-tuwa ako na makapag-aral sa pioneer school.”

Si Brother Jung Dae-sik sa Korea na dumadalo sa pioneer school sa isang nursing home

Si Brother Eddy El Bayeh at ang asawa niyang si Cherise, mga regular pioneer sa Australia

Si Brother Eddy El Bayeh at ang asawa niyang si Cherise ay nakatira sa New South Wales, Australia. Sinabi ni Cherise: “Pakiramdam ko, hindi ako sumusulong sa aking ministeryo. Mayroon akong rutin, pero hindi ko alam kung paano pa ako magiging mas masigasig.” Ang pioneer school ang talagang nakatulong sa kaniya. “Nakita ko ang puwede kong gawin para mapalawak pa ang aking ministeryo kahit sa limitadong kalagayan.”

Sinabi ni Eddy kung paano nakatulong sa kaniya ang pioneer school: “Para akong niyakap nang mahigpit nang Kataas-taasan at tinapik sa balikat habang sinasabi: ‘Magpatuloy ka lang! Kasama mo ako, mahal kita, at nagmamalasakit ako sa iyo!’”

Mas marami pang klase sa pamamagitan ng videoconference ang nakaiskedyul sa taóng ito. Talagang napapatibay tayo dahil patuloy na tinuturuan ni Jehova ang bayan niya anuman ang mangyari sa daigdig. Naipapaalaala nito sa atin ang mga pananalita ni Job: “Tingnan mo! Ang Diyos ay naluluwalhati dahil sa kapangyarihan niya; sino ang tagapagturong gaya niya?”—Job 36:22.

Ipinapakita ng mga larawan sa ibaba ang mga tagapagturo at mga estudyante sa ibang bansa na nakikinabang din sa pioneer school sa pamamagitan ng videoconference.

ARGENTINA: Mga estudyante gamit ang isang virtual background para itanghal ang di-pormal na pagpapatotoo sa pampublikong transportasyon

CAMEROON: Ipinapakita ni Brother Guy Leighton, isang tagapagturo sa pioneer school at misyonero sa Cameroon sa loob ng 12 taon, ang isang replika ng Dead Sea Scrolls sa isang lesson tungkol sa pagsasalin ng Bibliya

GREECE: Si Brother Takis Pantoulas, isang tagapangasiwa ng sirkito na naglilingkod sa central Greece, habang nagtuturo sa pioneer school

ITALY: Isa sa limang klase ng pioneer school sa wikang Ingles na idinaraos sa Italy

MEXICO: Ang ilan na nag-aral sa pioneer school gamit ang bagong aklat sa wikang Tzotzil, na pangunahin nang sinasalita sa estado ng Chiapas. Ito rin ang kauna-unahang klase na ang buong kurso ay idinaos sa katutubong wika na Tzotzil

SRI LANKA: Si Brother Nishantha Gunawardana at ang asawa niyang si Shiromala, mga special pioneer, habang nag-aaral sa pioneer school

TANZANIA: Si Brother William Bundala, isang elder sa Zanzibar, na nakaupo sa bakuran ng bahay niya kung saan mas malakas ang signal ng Wi-Fi