SETYEMBRE 11, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Pitong Bibliya ang Ini-release sa Iba’t Ibang Bansa Noong Agosto 2024
Ibinda
Noong Agosto 2, 2024, ini-release ni Brother Carlos Hortelão, miyembro ng Komite ng Sangay sa Angola, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang mga aklat ng Bibliya na Genesis, Ruth, Esther, at Jonas sa Ibinda. Ipinatalastas ito noong unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Cabinda, Angola. Ang kabuoang bilang ng dumalo ay 953. Nakatanggap ng inimprentang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga dumalo. Mada-download din agad ang Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan sa jw.org at sa JW Library app.
Mahigit 716,000 taong nagsasalita ng Ibinda ang nakatira sa Angola. Ito ang kauna-unahang salin ng Bibliya sa wikang Ibinda. Masayang-masaya ang 335 kapatid sa 13 kongregasyon at isang group na nagsasalita ng Ibinda dahil mababasa na nila ang Bibliya sa sarili nilang wika.
Zimbabwe Sign Language
Noong Agosto 9, 2024, ini-release ni Brother Energy Matanda, miyembro ng Komite ng Sangay sa Zimbabwe, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Zimbabwe Sign Language sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Harare, Zimbabwe. Lahat-lahat, 405 ang dumalo sa programa. Mada-download agad ang ini-release na Bibliya sa jw.org at sa JW Library Sign Language app.
Ini-release ang aklat ng Mateo sa Zimbabwe Sign Language noong 2021. Mula noon, unti-unti nang makukuha ang iba pang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Tinatayang mga isang milyong tao ang gumagamit ng Zimbabwe Sign Language, kasama na ang 377 kapatid sa 11 kongregasyon at 11 group sa Zimbabwe.
Bulgarian
Noong Agosto 11, 2024, ipinatalastas ni Brother Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Bulgarian at ini-release ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, at Lucas noong huling pahayag sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Espesyal na Kombensiyon sa Sofia, Bulgaria. Lahat-lahat, 5,418 ang dumalo. Mada-download agad ang tatlong aklat ng Bibliya sa jw.org at sa JW Library app.
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay unang ini-release sa Bulgarian noong 2009. Sa ngayon, halos 3,000 kapatid ang naglilingkod sa 57 kongregasyon sa Bulgaria.
Aja
Noong Agosto 16, 2024, ini-release ni Brother Bois Sylvain, miyembro ng Komite ng Sangay sa West Africa, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo at Marcos sa wikang Aja sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Djakotomey, Benin. Ipinatalastas ito sa 631 dumalo sa programa. At 435 ang nakapanood nito sa pamamagitan ng videoconference mula sa isang Assembly Hall sa Abomey-Calavi, Benin. Mada-download agad ang dalawang aklat sa jw.org at sa JW Library app.
Mahigit 1.2 milyong tao sa Benin at Togo ang nagsasalita ng Aja. Mayroon ding dalawa pang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Aja. Pero mahirap makakuha nito at mahirap ding maintindihan ng karamihan sa mga mambabasa. Tinanggal din sa dalawang salin na ito ang pangalan ng Diyos na Jehova. Sa ngayon, mga 1,300 kapatid ang naglilingkod sa 25 kongregasyon at isang group sa Benin at sa 12 kongregasyon at 2 group sa Togo na nagsasalita ng Aja. Gustong-gusto na nilang magkaroon ng Bibliya na madaling maintindihan at ginagamit ang pangalan ng Diyos.
Kinyarwanda
Noong Agosto 16, 2024, ini-release ni Brother Jeffrey Winder, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Kinyarwanda. Ipinatalastas ni Brother Winder ang release noong unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Kigali, Rwanda. Dinaluhan ito ng 9,908 katao. Napanood din ng 1,141 ang programa mula sa dalawang iba pang venue ng kombensiyon. Lahat ng dumalo sa mga lugar na ito ay tumanggap ng inimprentang kopya ng Bibliya. Mada-download din agad ang mga audio recording at digital na edisyon ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Kinyarwanda sa jw.org at sa JW Library app.
Mahigit 13 milyong nagsasalita ng Kinyarwanda ang nakatira sa Rwanda. Sinasalita rin ito sa iba pang bansa, gaya sa Democratic Republic of the Congo, Tanzania, at Uganda. Unang ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Kinyarwanda noong 2010. Ngayon, mayroon nang mahigit 35,500 kapatid na naglilingkod sa 634 na kongregasyon sa Rwanda na nagsasalita ng Kinyarwanda.
Sinhala
Noong Agosto 16, 2024, ini-release ni Brother David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Sinhala sa 4,273 dumalo noong unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Colombo, Sri Lanka. Napanood din ng 1,045 ang programa ng panrehiyong kombensiyon sa pamamagitan ng videoconference sa lunsod ng Chilaw, Sri Lanka. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ang mga dumalo sa dalawang lugar na ito. Mada-download din agad ang release sa digital format sa jw.org at sa JW Library app.
Mahigit 75 taon nang nagsasalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga literatura sa Bibliya sa Sinhala. Ngayon, mahigit 15 milyong nagsasalita ng Sinhala ang nakatira sa Sri Lanka, kasama na ang 4,808 kapatid na naglilingkod sa 62 kongregasyon doon na nagsasalita ng Sinhala.
Wallisian
Noong Agosto 30, 2024, ini-release ni Brother Martin Décousus, miyembro ng Komite ng Sangay sa New Caledonia, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Wallisian sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon. Ginanap ang kombensiyon sa lunsod ng Nouméa, New Caledonia, at sa nayon ng Mala’e, Wallis at Futuna. Nakakonekta ang mga lokasyon sa isa’t isa sa pamamagitan ng videoconference. Tumanggap ng inimprentang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ang lahat ng 317 dumalo. Mada-download din agad ang Bibliya sa jw.org at sa JW Library app.
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ini-release sa Wallisian noong 2018. May 153 kapatid na nagsasalita ng Wallisian na naglilingkod sa dalawang kongregasyon sa New Caledonia at sa Wallis at Futuna. Gustong-gusto na nilang magamit ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin para ibahagi ang mabuting balita sa mahigit 35,000 taong nagsasalita ng Wallisian sa mga lupaing ito.