OKTUBRE 1, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Pitong Bibliya ang Ini-release sa Iba’t Ibang Bansa Noong Setyembre 2024
Italian Sign Language
Noong Setyembre 1, 2024, ini-release ni Brother Massimiliano Bricconi, miyembro ng Komite ng Sangay sa Italy, ang buong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Italian Sign Language. Ipinatalastas ito sa 854 na dumalo sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa isang Assembly Hall sa Rome, Italy. Agad ding mada-download ang Bibliya sa jw.org at sa JW Library Sign Language app.
Ito ang unang kumpletong salin ng Bibliya sa Italian Sign Language. Noong 1998, nagsimulang gumawa ng salig-Bibliyang mga materyal sa Italian Sign Language ang mga Saksi ni Jehova. Ngayon, mayroon nang 845 kapatid na naglilingkod sa 15 Italian Sign Language na kongregasyon, 12 group, at 10 pregroup sa Italy.
Rutoro
Noong Setyembre 6, 2024, ini-release ni Brother Frederick Nyende, miyembro ng Komite ng Sangay sa Uganda, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan sa Rutoro. Ipinatalastas ito noong 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Hoima, Uganda. Ang 928 dumalo ay tumanggap ng inimprentang kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo. Mada-download din agad ang apat na aklat ng Bibliya sa jw.org at sa JW Library app.
Tinatayang 2.2 milyong tao sa Uganda ang nagsasalita ng Rutoro o ng kahawig na wikang Runyoro. Hindi ginagamit ng maraming salin ng Bibliya sa mga wikang ito ang personal na pangalan ng Diyos na Jehova. Tuwang-tuwa ang 374 na kapatid natin sa dalawang kongregasyong nagsasalita ng Rutoro at sa apat na kongregasyong nagsasalita ng Runyoro sa Uganda na magkaroon ng tumpak at madaling maintindihang salin ng apat na ulat ng Ebanghelyo na magagamit nila sa ministeryo at sa mga pulong.
Uighur (Arabic) at Uighur (Cyrillic)
Noong Setyembre 8, 2024, ipinatalastas ang pagre-release ng aklat ng Mateo sa alpabetong Uighur (Arabic) at Uighur (Cyrillic) sa isang espesyal na pulong na ginanap sa tanggapang pansangay ng Kazakhstan sa Almaty, Kazakhstan. Mayroong 483 dumalo. Mada-download agad ang aklat ng Mateo sa jw.org at sa JW Library app sa Uighur (Arabic) at Uighur (Cyrillic).
Maraming salin ng Bibliya sa alpabetong Uighur (Arabic) at Uighur (Cyrillic) pero mahirap itong maintindihan kasi gumagamit ito ng lumang mga salita. Karamihan sa mga 11 milyong tao na nagsasalita ng Uighur ay nakatira ngayon sa Asia. Pero may mga nagsasalita rin ng Uighur sa Africa, Europe, at North America.
Lhukonzo
Noong Setyembre 13, 2024, ini-release ni Brother Moses Oundo, miyembro ng Komite ng Sangay sa Uganda, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan sa Lhukonzo sa 925 dumalo sa 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Bwera, Uganda. Nakatanggap ng inimprentang kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo ang lahat ng dumalo. Mada-download din agad ang apat na Ebanghelyo sa jw.org at sa JW Library app.
Mga isang milyong tao sa Uganda ang nagsasalita ng Lhukonzo. Nagsimulang magsalin ng mga literatura sa Bibliya sa Lhukonzo ang mga Saksi ni Jehova noong 2001. Ngayon, may 324 na kapatid na naglilingkod sa anim na kongregasyong nagsasalita ng Lhukonzo.
Liberian English
Noong Setyembre 15, 2024, ini-release ni Brother Jethro Barclay, miyembro ng Komite ng Sangay sa Liberia, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo at Marcos sa Liberian English sa isang espesyal na programa na ginanap sa isang Assembly Hall sa Johnsonville, Liberia. May 1,176 na dumalo in person sa espesyal na programa. Pinanood din ng lahat ng kongregasyong nagsasalita ng Liberian English sa bansa ang programa sa pamamagitan ng videoconference. Mada-download din agad ang mga aklat ng Bibliya sa digital at audio format nito sa jw.org at sa JW Library app. Malapit na ring makuha ang inimprentang edisyon ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo.
Mayroon ding ilang aklat ng Bibliya sa Liberian English, pero sa audio format lang. Ang release na ito ang una sa ini-release na anumang bahagi ng Bibliya na isinalin sa Liberian English sa nasusulat na anyo. Kahit na English ang opisyal na wika ng Liberia, mga 1.6 milyon doon ang nagsasalita ng Liberian English, kasama na ang 7,034 nating kapatid sa 120 kongregasyon.
Nahuatl (Guerrero)
Noong Setyembre 20, 2024, ini-release ni Brother Lázaro González, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan sa Nahuatl (Guerrero) noong unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon na ginanap sa Chilpancingo Assembly Hall sa Guerrero, Mexico. Dinaluhan ito ng 769 katao. At napanood din ang programa ng 742 dumalo sa isang panrehiyong kombensiyon sa Tlapa de Comonfort, Mexico, sa pamamagitan ng videoconference. Lahat ng dumalo sa bawat lugar ay tumanggap ng inimprentang kopya ng Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo, at mada-download din agad ang apat na Ebanghelyo sa jw.org at sa JW Library app.
Mga 250,000 tao sa Mexico ang nagsasalita ng Nahuatl (Guerrero). Ang unang kongregasyong nagsasalita ng Nahuatl (Guerrero) ay naitatag noong 1987. Ngayon, mayroon nang 1,216 na kapatid na naglilingkod sa 37 kongregasyon at 2 group na nagsasalita ng Nahuatl (Guerrero) sa bansa.