Pumunta sa nilalaman

HUNYO 12, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Sa Gitna ng Pandemic—Mga Kapatid sa Rwanda at Zimbabwe, Nakatanggap ng Suplay ng Pagkain

Sa Gitna ng Pandemic—Mga Kapatid sa Rwanda at Zimbabwe, Nakatanggap ng Suplay ng Pagkain

Ang mga tanggapang pansangay sa Rwanda at Zimbabwe, pati na ang mga elder doon, ay nagtutulungan para matiyak na napaglalaanan ang mga nangangailangang kapatid na naapektuhan ng pandemic ng coronavirus.

Rwanda

Noong Abril 2, 2020, ang Komite ng Sangay sa Rwanda ay nagbigay ng tagubilin sa mga elder na alamin kung sino sa mga kapatid ang nangangailangan ng pinansiyal na tulong dahil sa pandemic. Kaya gumawa agad ang mga elder sa buong bansa ng mga kaayusan para mapaglaanan ang mga kapatid ng pagkain at iba pa nilang kailangan.

Pagkalipas ng dalawang linggo, nakabuo ang sangay sa Rwanda ng 31 Disaster Relief Committee (DRC). Nakapamahagi ang mga DRC ng corn flour, bigas, beans, asin, asukal, at mantika para sa mga kapos na pamilya. Mahigit 7,000 pamilya na ang nabigyan ng mga kailangan nila.

Pagkatapos makatanggap ng suplay ng pagkain, sinabi ni Sister Nizeyimana Charlote at ng tatlo niyang anak: “Maraming salamat po sa patuloy po ninyong pagpapatibay sa amin at sa pagbibigay sa amin ng mga kailangan namin sa panahon pong ito ng pandemic. Wala kaming ibang masabi kundi maraming salamat!”

Ikinuwento ng isang brother nang sabihing makakatanggap ang pamilya niya ng suplay ng pagkain: “Noong araw na iyon, hinang-hina ang asawa ko kasi halos wala na kaming makain. Hindi ko inaasahang kokontakin ako ng isang brother para sabihin ang kaayusan sa pagkuha ng pagkain para sa pamilya ko. Nagulat talaga ako. Magdamag akong nanalangin kay Jehova para pasalamatan siya.”

Zimbabwe

Ang kakulangan ng pagkain sa bansa ay pinalala pa ng COVID-19.

Inatasan ng tanggapang pansangay sa Zimbabwe ang limang DRC para pangasiwaan ang relief effort. Nagsaayos din ang sangay para makapag-donate ang mga kapatid ng pagkain at iba pang kailangan ng mga kapatid. Ang mga DRC ang namamahagi ng mga ito.

Nakapamahagi na ang mga DRC sa 7,319 na mamamahayag ng 62,669 na kilo ng giniling na mais, 6,269 na litro ng mantika, 3,337 kilo ng kapenta (daing na isda), at 5,139 na kilo ng beans.

Isang mag-asawa ang nakikipag-aral ng Bibliya at regular na dumadalo sa mga pulong ang nangailangan ng pagkain. Tuwang-tuwa sila nang padalhan sila ng pagkain ng nagba-Bible study sa kanila. Isang araw bago matanggap ng mag-asawa ang pagkain, kinontak sila ng pastor ng dati nilang relihiyon. Humiling ang pastor ng donasyon para makapag-grocery ito at ang asawa niya. Nakita ng mag-asawa ang malaking pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng pastor, kaya nagpasiya silang opisyal nang magbitiw sa relihiyong iyon.

Talagang patuloy na pinagpapala ni Jehova ang pagbibigay ng tulong sa mga kapatid sa Rwanda at Zimbabwe.—Gawa 11:29.