PEBRERO 26, 2021
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sa Kabila ng Pandemic, Tuloy Pa Rin ang Pagtulong ng mga Saksi ni Jehova sa mga Biktima ng Pinakamatitinding Sakuna
Simula noong 2020 taon ng paglilingkod, ngayon lang nagkaroon ng ganito kalaking relief work ang mga Saksi ni Jehova. Sa buong mundo, mahigit 950 Disaster Relief Committee (DRC) ang inorganisa. Bukod pa sa pandemic, napakarami ring matitinding sakuna nitong 2020. Doble ang hirap ng mga DRC dahil kailangan nilang makapagpadala agad ng tulong sa mga kapatid habang sinusunod ang mga safety protocol para sa COVID-19. Sinabi ng tumulong na mga kapatid na napatibay ang pananampalataya nila. Ito ang ilan sa mga sakunang nakaapekto sa mga kapatid natin:
Malalakas na Bagyo
Noong 2020 taon ng paglilingkod, tumaas nang 11.5 porsiyento ang bilang ng malalakas na bagyo kumpara noong 2019 taon ng paglilingkod. Lahat-lahat, 126 ang bagyong sumalanta sa mga kapatid natin. Marami sa mga ito ang nagdulot ng mga pagbaha o landslide.
Halimbawa, maraming kapatid ang napilitang lumikas dahil sa mga bagyong tumama sa Pilipinas.
Nasira ang pananim ng mga kapatid dahil sa matitinding pag-ulan sa buong Nigeria.
Maraming nasalanta sa South Korea dahil sa mas mahabang monsoon season.
Malalawak na Wildfire
Maraming bansa ang dumanas ng wildfire. At ayon sa rekord, ang ilan sa mga ito ang pinakamalawak na wildfire na nangyari.
Halimbawa, nakaranas ang ilan sa mga kapatid natin ng nakamamatay na mga gigafire na tumupok sa di-bababa sa 400,000 ektaryang lupa.
Ganito ang nangyari sa United States.
Naapektuhan din ng mga gigafire ang mga kapatid natin sa Australia.
Ligtas at Epektibong Pamamahagi ng Relief
Pagkatapos ng mga sakunang ito, nagtakda ang organisasyon ng mga safety guideline para matiyak na mananatiling ligtas ang namamahagi at tumatanggap ng tulong.
Sinabi ni Brother Han Chan-hee, na tumulong sa DRC sa South Korea, ang mga ginawa nila para matiyak na mananatiling ligtas ang mga kapatid: “Tuwing umaga, kinukuha namin ang temperature ng bawat isa. Pinanatili namin ang physical distancing, binawasan ang bilang ng mga boluntaryo sa site, at iniwasan naming kumain nang sama-sama kahit sa panahon ng meryenda. Dini-disinfect din ng mga boluntaryo ang mga gamit nila bago at pagkatapos ng trabaho.”
May mga kapatid tayo na lumikas o nawalan ng tahanan dahil sa mga sakunang ito. Sinabi ni Brother Chris Shirah, na tumulong sa DRC noong nagkaroon ng mga wildfire sa West Coast ng United States: “Tiniyak namin na tama lang ang dami ng mga tao sa isang bahay para masunod namin ang mga safety protocol para sa COVID-19.”
May mga restriksiyon sa pagbibiyahe at mga safety protocol sa maraming lugar kaya limitado lang ang mga puwedeng magboluntaryo para sa relief effort. Ipinaliwanag ni Brother Philips Akinduro, na tumulong sa DRC sa Nigeria: “Ang isang malaking problema na napaharap sa amin ay ang restriksiyon sa pagbibiyahe [na ipinag-utos ng gobyerno]. Kaya nahirapan kaming makakuha ng mga boluntaryo.”
Sinabi ni Brother Kim Joon-hyeong, na tumulong din sa DRC sa South Korea, ang saloobin ng mga boluntaryo: “Ginagawa namin ang relief work na ito dahil mahal namin ang Diyos at ang mga kapatid, kaya lagi naming iniisip ang safety ng bawat isa. Kaya kahit napakaraming restriksiyon, masaya pa rin kami habang tumutulong sa relief work.”
Nakakapagpatibay ng Pananampalataya ang Pagboboluntaryo
Dahil naging matagumpay ang mga relief effort kahit mas maraming hamon, napatibay ang pananampalataya ng lahat ng nakibahagi dito.
Halimbawa, nag-alala si Brother Han kung makakahanap agad ang DRC ng sapat na mga boluntaryo sa loob lang ng wala pang 24 na oras. “Naisip kong sayang lang ang lahat ng pag-aalala ko kasi ilang oras pa lang ang nakakalipas, daan-daang kapatid mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagboluntaryo. Sobrang dami talaga kaya tinanggihan na namin ang ilan [na nag-alok ng tulong].” Sinabi niya: “Damang-dama ko na kasama namin si Jehova, at talagang napatibay ako.”
Ganiyan din ang naramdaman ni Brother Brad Benner na taga-Honduras, na tumulong sa mga biktima ng bagyo: “Kahit nakaka-stress ang sitwasyon, ang mga kapatid na lumikas ay nabigyan ng pagkain, tuluyan, at ng pampatibay na kailangan nila. Kitang-kita ko mismo na hindi kaya ng dalawang bagyo at ng pandemic na pigilan ang pag-ibig sa organisasyon natin.”
Sinabi naman ni Brother Alquin Dayag, na tumulong sa DRC sa Pilipinas: “Dahil sa naranasan ko, lalo ko pang napatunayan na talagang ibinibigay ni Jehova ang lakas na higit sa karaniwan at ang karunungan na kailangan natin para magawa ang iniatas niya.”—2 Corinto 4:7.
Pinapahalagahan natin ang pagsisikap na ginawa ng lahat ng tanggapang pansangay, DRC, at kapatid na tumulong sa relief work. Sa taóng ito na may pinakamatitinding sakuna, napakalaki ng naitulong ng mga donasyon at ng pagboboluntaryo ng mapagmahal na mga kapatid.—1 Tesalonica 1:3.