OKTUBRE 18, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sa Unang Pagkakataon, Nagkaroon ng mga Kombensiyon sa mga Wikang Jamaican Creole at Pennsylvania German
Noong Hulyo 2023, nagkaroon ng kauna-unahang in-person na panrehiyong mga kombensiyon sa mga wikang Jamaican Creole at Pennsylvania German. Halos 2,000 ang dumalo sa pinakahihintay na “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon sa kanilang katutubong mga wika.
Jamaican Creole, Jamaica
Sa Jamaica, English ang opisyal na wika. Pero karamihan ng mga nakatira sa mga isla ay nagsasalita rin ng Jamaican Creole. Mga 1,700 katao na dumalo sa kombensiyon ang galing sa United Kingdom at United States. Ang programa ay ginanap sa Marlie Technology Park sa Old Harbour, Jamaica, mula Hulyo 14 hanggang 16, 2023. Labindalawa ang nabautismuhan.
Masayang-masaya ang ating mga kapatid na nagsasalita ng Jamaican Creole na marinig ang kombensiyon sa sarili nilang wika sa kauna-unahang pagkakataon. Sinabi ni Sister Tenesha Gordon: “Nang magsimula na ang programa at batiin ng brother sa stage ang mga kapatid sa Jamaican Creole, naluha ako. Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko. Ayoko ’tong matapos!”
Pennsylvania German, United States
Mga 400,000 tao sa Canada at United States ang nagsasalita ng Pennsylvania German. Sinasalita ito ng mga Amish at Mennonite na nakatira sa kabukiran doon. Dumalo sa kombensiyon ang mga kapatid mula sa limang kongregasyon at isang group na nagsasalita ng Pennsylvania German, at galing sila sa iba’t ibang state. Mahigit 200 ang dumalo sa Coraopolis Assembly Hall sa Pittsburgh, Pennsylvania, U.S.A., mula Hulyo 7 hanggang 9, 2023.
Pennsylvania German ang wika ni Brother David Miller mula pa pagkabata. Pero nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa English mahigit 25 taon na ang nakakalipas. Nang panahong iyon, hindi niya naisip na magkakaroon ng mga kongregasyong nagsasalita ng Pennsylvania German, lalo na ang magkaroon pa ng isang kombensiyon sa sarili niyang wika. Sinabi niya: “Ang galing! Tutok na tutok talaga ako. Dahil nasa sarili kong wika ang buong programa, tumagos ito sa puso ko.”
Masaya tayo para sa mga kapatid nating dumalo sa makasaysayang mga kombensiyong ito. Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil pinagkakaisa niya tayo at gumagawa siya ng paraan para malaman ng lahat ang dalisay na wika.—Zefanias 3:9.