AGOSTO 5, 2024
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sampung Bibliya ang Ini-release sa Iba’t ibang Bansa Noong Hulyo 2024
Malawi Sign Language
Noong Hulyo 5, 2024, ini-release ni Brother Colin Carson, miyembro ng Komite ng Sangay sa Malawi, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Malawi Sign Language. Ipinatalastas ito sa 331 dumalo sa unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Lilongwe, Malawi. Mada-download din agad sa digital format sa jw.org at sa JW Library Sign Language app ang ini-release na Bibliya.
Ito ang kauna-unahang salin ng kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Malawi Sign Language, na ginagamit ng mahigit 400,000 katao. Mahigit 600 kapatid ang nasa 16 na sign-language congregation at 8 grupo sa Malawi.
Cibemba
Ini-release ni Brother Gage Fleegle, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nirebisang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Cibemba noong Hulyo 19, 2024. Ipinatalastas ito sa unang araw ng 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa Levy Mwanawasa Stadium sa Ndola, Zambia. Isang kabuoang bilang na 23,336 ang nandoon nang ipatalastas ito. Karagdagang 5,920 ang nakapanood nito sa videoconference mula sa limang iba pang lugar. Lahat ng dumalo sa anim na kombensiyong ito ay tumanggap ng inimprentang kopya ng Bagong Sanlibutang Salin. Mada-download din agad ang Bibliya pati na ang mga audio recording ng mga aklat ng Ruth, 1 Juan, 2 Juan, at 3 Juan.
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay unang ini-release sa Cibemba noong 2008. Tinatayang may apat na milyong taong nagsasalita ng Cibemba sa Zambia, kasama na ang 131,351 kapatid sa 1,856 na kongregasyon at walong grupo sa bansa.
Quiche
Ini-release ni Brother José Torres, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang aklat na Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo sa wikang Quiche noong Hulyo 19, 2024. Ipinatalastas ito noong 2024 ‘Ihayag ang Mabuting Balita!’ na Panrehiyong Kombensiyon sa San Lucas Sacatepéquez, Guatemala. Lahat ng 405 dumalo ay tumanggap ng inimprentang kopya ng aklat. Mada-download din ito agad sa digital format sa jw.org at sa JW Library app.
Tinatayang mahigit sa isang milyong tao ang nagsasalita ng Quiche. Karamihan sa kanila ay nakatira sa Guatemala, kung saan unang naitatag ang kongregasyong nagsasalita ng Quiche noong 2010. Ngayon, mayroon nang 387 kapatid sa 16 na kongregasyon sa bansa.
Chuabo/Makhuwa-Meetto/Makhuwa-Shirima/Nsenga (Mozambique)/Phimbi/Tewe/Tshwa
Noong Hulyo 28, 2024, nagkaroon ng special meeting sa Estádio Nacional do Zimpeto sa Maputo, Mozambique. Isang kabuoang bilang na 26,025 ang dumalo sa programa in person. Karagdagang 64,570 ang nakapanood nito sa videoconference mula sa 16 na lugar.
Sa meeting na iyon, maraming salin ang ini-release ni Brother Fleegle na agad namang makukuha sa inimprenta at digital format. Ini-release niya ang aklat na Ang Bibliya—Mabuting Balita Ayon kay Mateo sa mga wikang Makhuwa-Meetto, Makhuwa-Shirima, at Nsenga (Mozambique); ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Chuabo, Phimbi, at Tewe; at ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Tshwa.
Dahil sa mga release na ito, makukuha na ngayon ang buong Bagong Sanlibutang Salin o ang mga bahagi nito sa 300 wika!