Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 7, 2023
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Sandaang Taon na Paglalathala ng Bantayan sa Portuguese

Sandaang Taon na Paglalathala ng Bantayan sa Portuguese

Noong 1923, dumating si Brother George Young sa Brazil para magtatag ng isang tanggapang pansangay at organisahin ang gawaing pangangaral doon. Nang dumating siya sa bansa, nasa English pa lang ang The Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (kilalá ngayon na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova). Agad na isinaayos ni Brother Young na maisalin ito sa Portuguese at maimprenta doon. Kaya ang unang Bantayan sa Portuguese ay nailathala noong Oktubre 1923. Makalipas ang tatlong taon, nagpadala ng printing press sa tanggapang pansangay ang Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, U.S.A., at mula noon, ang mga kapatid na sa sangay ng Brazil ang nag-iimprenta ng mga magasin nila.

Kaliwa: Ang unang printing press na ginamit sa sangay sa Brazil. Kanan: Ang unang Bantayan sa wikang Portuguese na inimprenta sa sangay sa Brazil

Unang Bantayan sa wikang Portuguese na inilathala sa Portugal noong 1925

Noong 1925, dalawang taon pagkatapos mailathala ang unang Portuguese na Bantayan sa Brazil, sinimulang isalin ng mga kapatid sa Portugal ang Bantayan sa European Portuguese. Pero noong 1933, pinag-usig ang mga Saksi nang isang diktador ang mamahala sa bansa. Di-nagtagal, nahinto ang gawaing pagsasalin sa Portugal. Sa loob ng ilang dekada, ang Bantayan lang sa Portuguese na inilalathala sa Brazil ang ginagamit ng mga kapatid natin sa Portugal. Sinabi ni Isabel, isang sister na nakatira sa Portugal nang panahong iyon: “Imbes na magpokus sa mga pagkakaiba sa gramatika at sa eksaktong kahulugan ng mga salita, nagpokus ako sa mensahe. Laking pasasalamat ko talaga sa mga kapatid natin sa Brazil dahil nagkaroon kami ng mga literatura sa Portuguese. Mahirap kasi para sa amin noon sa Portugal na makapagsalin ng mga literatura sa sarili naming wika.”

Noong 1961, nang maging isang tomo na lang ang buong Bagong Sanlibutang Salin sa English, inaprobahang maisalin ito sa anim pang wika, kasama ang Portuguese. Kahit na mahirap, sinikap ng translation team sa Brazil na gumamit ng pananalitang madaling maiintindihan ng mga tao sa lahat ng bansang nagsasalita ng Portuguese. Sa loob ng maraming dekada, sinikap iyang gawin ng mga nagsasalin ng Bantayan sa Portuguese. Pero noong 2017, inaprobahan na maisalin ang Bantayan sa Portuguese (Brazil) at Portuguese (Portugal).

Mula kaliwa sa itaas pakanan: Ibinabahagi ng mga kapatid ang mabuting balita gamit ang Bantayan sa wikang Portuguese sa Angola, Brazil, Portugal, at Mozambique

Sa buong mundo ngayon, mga 1.2 milyong Saksi na nagsasalita ng Portuguese at mga 260 milyong taong nagsasalita ng Portuguese ang puwedeng makinabang sa pagkakaroon ng Bantayan sa sarili nilang wika. Dalangin natin na sila at ang marami pang iba ay patuloy na matuto “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”—Gawa 2:11.