OKTUBRE 11, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sumaryo ng 2019 Taunang Miting
Noong Sabado, Oktubre 5, 2019, idinaos ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ang kanilang taunang business meeting sa Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Newburgh, New York, U.S.A. Pagkatapos nito, nagbigay ang Lupong Tagapamahala ng nakakapagpatibay na mga pahayag sa 20,679 na tagapakinig, kasama na ang mga naka-tie in. Narito ang sumaryo ng bawat bahagi. a
“Iisa ang Inyong Lider, ang Kristo”
Si Brother Gerrit Lösch, chairman ng programa, ang nagbigay ng pambungad na pahayag base sa Mateo 23:10, na nagpapaalalang si Jesu-Kristo ang ating lider, hindi ang sinumang tao.
Ginagamit ni Jehova ang Ating Relief Ministry Para Makatulong
Ipinaliwanag ni Brother Stephen Lett ang kahalagahan ng masayang pagbibigay. Ang isang paraan para maipakita ang pagiging bukas-palad ay ang pagsuporta sa ating relief ministry. Sinabi ni Brother Lett ang pinsalang idinulot ng likas na mga sakuna at ang pagbibigay natin ng tulong noong 2018 at 2019 taon ng paglilingkod. Mahigit 900,000 kapatid ang naapektuhan ng mga sakunang iyon; mahigit 700 Kingdom Hall at 15,000 bahay ng mga kapatid ang napinsala o nawasak. Gumastos tayo ng $49.5 million sa ginawang pagtulong na ito.
Ang bahaging ito ay may mga video na nagpapakita ng taos-pusong pasasalamat ng mga kapatid na natulungan ng ating relief ministry.
‘Tinutulungan Tayo ng Ating Diyos . . . Simulan Na Natin ang Pagtatayo’ | Video
Sinabi sa video na ito na halos 80,000 gusali sa buong mundo ang nasa pangangalaga ng mga Saksi ni Jehova. Ipinakita rin dito kung paano natin minamantini, nire-renovate, at itinatayo ang ating mga gusali.
Pagbabalik-Tanaw sa Pagbili ng mga Property | Video
Ipinakita sa video na ito ang interbyu sa tatlong brother na tumulong sa pagpili at pagbili ng mga property para sa sangay sa United States at pandaigdig na punong-tanggapan: sina Brother Max Larson, George Couch, at Gilbert Nazaroff. Ikinuwento ng tatlong brother na ito na kitang-kitang nila ang pagtulong ni Jehova sa pagbili ng iba’t ibang property.
Pinaplano ang Pagtatayo ng Isang Bagong Pasilidad | Video
Sa video na ito, inianunsiyo na plano ng mga Saksi ni Jehova na pagsama-samahin ang media production sa isang bagong pasilidad na itatayo sa Ramapo, New York. Ang property na ito ay mga tatlong kilometro ang layo mula sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York. Plano itong simulan sa 2022 at tapusin sa Disyembre 2026. Sa kasagsagan ng pagtatayo, mga 1,500 boluntaryo ang kakailanganin araw-araw.
Bagong Paraan ng Pagpapasa ng Aplikasyon | Video
Sa video na ito, sinabi na mula Enero 2020, ang mga mamamahayag na interesadong magpalawak ng ministeryo ay puwede nang mag-fill out ng mga aplikasyon sa jw.org at ibigay sa kanilang lupon ng matatanda para repasuhin.
Bagong Paraan ng Pag-access sa mga Audio File sa JW.ORG
May mga audio file sa jw.org na puwede nang ma-access gamit ang Amazon Alexa o Google Assistant.
Isang Pag-atake Mula sa Hilaga
Nilinaw ni Brother David Splane ang pagkaunawa natin sa hulang nakaulat sa Joel kabanata 2 tungkol sa mga balang. Nananabik tayong pag-aralan ang paglilinaw na ito kapag lumabas na ito sa Bantayan.
Pag-aralan ang Bibliya Gamit ang Study Bible
Tinalakay ni Brother Samuel Herd ang mga pakinabang sa paggamit ng New World Translation of the Holy Scriptures (Study Edition) na available online. Pagkatapos, inilabas niya ang nakaimprentang edisyon ng New World Translation of the Holy Scriptures (Study Edition) mula sa aklat ng Mateo hanggang Gawa. Ang mga mamamahayag ay puwedeng mag-request ng kopya sa kongregasyon nila.
Marami Tayong Dapat Gawin!
Idiniin ni Brother Anthony Morris na para sa tunay na mga Kristiyano, ang pangangaral ng mabuting balita ang pinakamahalaga. Ang teokratikong mga pasilidad ay malaking tulong sa Lupong Tagapamahala sa pag-oorganisa sa gawaing pangangaral at sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa bayan ni Jehova. Sumipi si Brother Morris mula sa Nobyembre 15, 1976 na isyu ng The Watchtower: “Pagdating ng ‘malaking kapighatian,’ dapat na nasa kasagsagan ang gawaing pangangaral sa buong mundo. Ang pagdating ng Panginoong Jesus para maglapat ng hatol ay ikagugulat ng lahat, kahit ng mga lingkod ni Jehova, dahil abalang-abala sila sa paggawa ng kalooban niya.”
Wala Tayong Dapat Ikatakot
Sinabi ni Brother Mark Sanderson na gaya ng inihula ni Jesus, inaasahan ng bayan ng Diyos na kapopootan sila ng “lahat ng bansa.” (Mateo 24:9) Pero pinatibay tayo ni Brother Sanderson na kay Jehova matakot, hindi sa tao.—Awit 111:10.
Ipinalabas ang isang nakakaantig na video ng mga kapatid sa Russia; sinabi nila kung paano nila napagtagumpayan ang takot sa pag-uusig. Ang pahayag at video na ito ay nagpatibay sa lahat ng lingkod ni Jehova na huwag matakot.
Panatilihin ang Inyong Katinuan
Nagbigay si Brother Geoffrey Jackson ng praktikal na mga paraan para maisabuhay ang mga teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumagamit ng salitang sa literal ay nangangahulugang “matino.” Idiniin din niya na napakahalagang patuloy na ‘mapanatili ang katinuan’ (sa literal, “maging ganap na matino”) sa mga huling araw na ito.—1 Pedro 1:13.
Susundin Mo Ba Ito?
Inianunsiyo ni Brother Kenneth Cook ang taunang teksto para sa 2020—Mateo 28:19: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.” Idiniin niya na kailangang tulungan ang mga tapat-puso na ialay ang buhay nila kay Jehova at magpabautismo.
Ang mga espirituwal na programang gaya ng taunang miting ay nagpapakilos sa ating patuloy na maging masigasig sa paglilingkod kay Jehova.
a Ang kumpletong programa ng taunang miting ay magiging available sa jw.org sa Enero 2020.