Pumunta sa nilalaman

HUNYO 17, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Tulong sa Pag-aaral sa JW Library, Mas Malawak Na ang Indise ng Kasulatan

Tulong sa Pag-aaral sa JW Library, Mas Malawak Na ang Indise ng Kasulatan

Noong Abril 25, 2022, isang updated version ng Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova ang inilabas sa JW Library app. Kasama rito ang mas mahabang listahan ng mga reperensiya kung saan ipinapaliwanag ang mga kasulatan.

Ano ang Bago sa Update na Ito?

Mula nang ilabas ang Tulong sa Pag-aaral noong 2013, may kasama na itong indise ng kasulatan na naglalaman ng mga reperensiya mula sa kamakailang mga publikasyon.

Sa nakalipas na ilang taon, maraming mas lumang publikasyon ang idinagdag sa JW Library. Karamihan ng publikasyon sa Watchtower ONLINE LIBRARY (WOL) ay available na rin sa app. Kasama sa updated na Tulong sa Pag-aaral ang mga reperensiya sa mas lumang mga publikasyon na ito, gaya ng Kaunawaan sa Kasulatan. Sa JW Library, isinama sa Tulong sa Pag-aaral ang nilalaman ng bawat reperensiya para mabasa mo ang nilalaman kahit hindi ka konektado sa Internet.

Kasama rin sa update ang reperensiya para sa mga aralin sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Ito ang napansin ng isang sister na nagngangalang Kari: “Kabado ako sa phone witnessing, pero alam kong kailangang-kailangan ng mga tao ng tulong. May naiisip akong mga teksto minsan, pero gusto kong malaman kung paano ihaharap ang mga teksto sa simpleng paraan at y’ong maeengganyo silang makipag-usap uli. Kapag tumingin ako teksto, pagkatapos, nandoon na ang mga reperensiya sa Tulong sa Pag-aaral, kasama na ang mga aralin sa Masayang Buhay Magpakailanman, nagiging mas panatag ako at masaya sa ministeryo.”

Pinasimple ang proseso ng paggawa ng Tulong sa Pag-aaral, kaya puwede na itong maging available sa maraming iba pang wika. Sinabi ni Ivo, na naglilingkod sa sangay ng Chile: “Ito ang unang Tulong sa Pag-aaral sa Mapudungun. Ngayon lang ako gumawa ng ganitong uri ng publikasyon, pero napakasimple lang ng pamamaraan kung paano ito gagawin. Nagulat ang mga kapatid dahil may ganito nang publikasyon sa wika nila. Akala nila, hindi magkakaroon nito sa maliit na wika. Masayang-masaya sila nang matanggap nila ito, kasi malaking tulong ito sa personal na pag-aaral nila at paghahanda ng mga komento at pahayag.”

Kung Paano Gagamitin ang Indise ng Kasulatan sa Tulong sa Pag-aaral

  • Sa Bibliya, pumunta sa teksto na gusto mong i-research.

  • I-tap ang talata. Sa pop-up context menu, piliin ang icon ng Tulong sa Pag-aaral. Kung wala ang icon sa context menu, ibig sabihin, walang reperensiya sa Tulong sa Pag-aaral na nagpapaliwanag sa talatang iyon.

Sa Tulong sa Pag-aaral, una sa listahan ang pinakabagong mga reperensiya. Kung lumang reperensiya ang hinahanap mo, i-scroll down ang listahan ng reperensiya sa study pane. Sa mga talatang may mga pagbabago ng paliwanag, nasa pinakabagong mga reperensiya ang kasalukuyang pagkaunawa natin.