Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 4, 2019
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Umabot Na sa 1,000 ang Wika sa Website ng mga Saksi ni Jehova, ang JW.ORG

Umabot Na sa 1,000 ang Wika sa Website ng mga Saksi ni Jehova, ang JW.ORG

Malugod na ipinapatalastas ng Lupong Tagapamahala ang naabot natin sa pagsisikap na gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa. Ang JW.ORG ay may mga artikulo, video, at audio recording na available na ngayon sa 1,000 wika, kasama na ang 100 sign language.

Noong Agosto 2010, inilabas ni Brother Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Italian Sign Language ((available sa jw.org)

Sinabi ni Brother Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Ang ating gawaing pagsasalin ay may mahabang kasaysayan mula pa noong dulo ng 1800, at lalong dumami ang mga naisalin natin nitong nakaraang mga taon.” Idinagdag pa ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro din ng Lupong Tagapamahala: “Inabot tayo nang mahigit isang daang taon para makapagsalin sa 508 wika, noong Enero 2013. Pero wala pang pitong taon, halos dumoble ang naisasalin natin—ang 508 wika ay naging 1,000 wika.”

Mada-download sa website ang napakaraming materyal na available sa 1,000 wika. Ang mismong website ay mababasa sa 821 wika, kaya ito na ngayon ang website na may pinakamaraming salin sa buong mundo. Karamihan sa pagsasalin ay ginagawa ng mga sinanay na boluntaryo sa mga 350 remote translation office sa buong mundo.

“Maraming hamon sa pagsasalin at pag-iimprenta sa napakaraming wika,” paliwanag ni Brother Izak Marais, na nangangasiwa sa Translation Services sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, U.S.A. “Kung minsan, gusto naming mag-imprenta sa isang maliit na wika, pero hindi kayang maimprenta ang mga titik ng wikang iyon. Kaya sa paglipas ng panahon, gumawa kami ng artwork ng mga titik at font set, kaya puwede na kaming mag-imprenta ng mga publikasyon sa daan-daang wika. Marami rin kaming napagtagumpayang hamon para maging available ang mga publikasyon natin sa napakaraming wika sa jw.org. Ang totoo, karamihan sa 1,000 wikang iyon ay walang ibang publikasyong available sa Internet.”

Idinagdag ni Brother Clive Martin, na nangangasiwa sa MEPS Programming department: “Ang isang hamong napaharap sa amin ay kung paano palilitawin ang artikulo sa daan-daang wika na iba’t iba ang paraan ng pagkakasulat at iba’t iba rin ang titik, sa loob ng iisang website. Halimbawa, 21 sa mga wika ng website ay isinusulat mula kanan pakaliwa. Para naman sa 100 sign language ng website, kinailangan naming gumawa ng ibang disenyo na madaling magagamit ng mga pipi.”

Nagsasalin lang ang mga commercial website sa mga wikang alam nilang kikita sila. Pero para sa mga Saksi ni Jehova, hindi ito ang motibo natin. Tunguhin nating ipaalám sa lahat ng interesado ang sinasabi ng Bibliya sa simple at magandang paraan.

Pinupuri natin si Jehova dahil pinagpapala niya ang mga pagsisikap natin na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” Nagtitiwala tayo kay Jehova na hangga’t hindi pa niya sinasabing tapos na ang ating gawain, patuloy niya tayong bibigyan ng lakas at ng kinakailangan natin para maituro ang mensahe ng Kaharian sa tapat-pusong mga tao sa buong mundo.—Mateo 28:19, 20.