MARSO 2, 2020
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Unang Saksi ni Jehova na Kinasuhan sa Crimea—Malapit Nang Hatulan
Sa Marso 5, 2020, maglalabas ng hatol ang Dzhankoysky District Court sa Republic of Crimea para sa kaso ni Brother Sergey Filatov. Hiniling ng prosecutor na sentensiyahan siya ng pitong-taóng pagkabilanggo sa isang maximum-security prison. Si Brother Filatov ang unang Saksi sa Crimea na kinasuhan sa ilalim ng Criminal Code ng Russia.
Gaya ng ibinalita noon, inaresto si Brother Filatov sa isang malaking operasyon laban sa mga kapatid natin. Noong Oktubre 10, 2017, nasa bahay ni Brother Filatov ang mga kaibigan at kakilala niya para pag-usapan ang Bibliya at kumanta ng mga Kingdom song. Palihim na inirekord ng Federal Security Service (FSB) ng Russia ang audio ng pagtitipong iyon. Makalipas ang mahigit isang taon, noong gabi ng Nobyembre 15, 2018, ni-raid ng mga 200 pulis ang walong bahay ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Mahigit 35 pulis ang humalughog sa bahay ni Brother Filatov, at halos kalahati sa kanila ay armado. Pinagtatanong si Brother Filatov bago palayain.
Si Brother Sergey Filatov at ang asawa niyang si Natalya ay may apat na anak, at dalawa sa mga ito ay menor de edad. Habang hinihintay ni Brother Filatov ang hatol sa kaniya, ipinapanalangin natin na patuloy na magtitiwala ang kanilang pamilya kay Jehova dahil nakakatiyak tayong tutulungan Niya sila sa panahong ito ng pagsubok.—Awit 46:1.