SETYEMBRE 24, 2018
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Ang Pinsalang Dulot ng Bagyong Mangkhut
Ilang araw na naminsala sa kanlurang Pacific Ocean at sa South China Sea ang Bagyong Mangkhut. Ang sumusunod na mga ulat ay mula sa mga tanggapang pansangay na nangangalaga sa ating mga kapatid na napinsala ng bagyong ito.
Micronesia: Sinalanta ng Bagyong Mangkhut ang Rota, isang isla sa Northern Mariana Islands, noong Setyembre 10, 2018. Ito ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Rota mula noong 2002. Mabuti na lang at walang nasaktan sa mga kapatid at hindi napinsala ang nag-iisang Kingdom Hall sa isla. Isang kapatid ang inilikas muna hanggang sa makumpuni ang kaniyang bahay. Nakadalaw na sa isla ang tagapangasiwa ng sirkito para magpatibay.
Pilipinas: Noong Setyembre 15, 2018, tumama ang Bagyong Mangkhut (o “Ompong”) sa Baggao, sa probinsiya ng Cagayan. Ang Mangkhut ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas sa taóng ito. Umabot na sa 81 katao ang namatay.
Nakalulungkot, isang sister ang namatay sa Benguet at apat na brother ang nasaktan. Ayon sa kasalukuyang pagtaya, 938 bahay ng mga kapatid ang napinsala at 15 ang nawasak. Di-kukulangin sa 28 Kingdom Hall ang nasira at isa sa mga ito ang natabunan ng gumuhong lupa. Apat na Disaster Relief Committee (DRC) na nasa Baguio, Cauayan, Laoag, at Tuguegarao, ang nag-aasikaso sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng ating mga kapatid. Sa susunod na mga araw, isang miyembro ng Komite ng Sangay ang dadalaw sa mga kapatid doon para magpatibay.
Hong Kong: Tumama ang Mangkhut sa Hong Kong noong Setyembre 16, 2018. Maliit lang ang pinsalang idinulot nito sa tanggapang pansangay at sa apartment complex na tinitirhan ng pamilyang Bethel. Dalawang bahay na pag-aari ng mga Saksi ang malubhang napinsala. Ang isa ay nabagsakan ng puno at ang isa naman ay natanggalan ng bubong dahil sa lakas ng hangin. Ang ilang bahay naman ay nasira ng baha. Isang DRC sa Hong Kong ang nag-aasikaso sa pangangailangan ng mga kapatid.
Ipinapanalangin natin ang mga kapatid na nabiktima ng Bagyong Mangkhut. Natutuwa tayong malaman na maibiging tinutulungan ng ating mga kapananampalataya ang mga kapatid nating nangangailangan. Talagang isang pagpapala mula kay Jehova ang ating nagkakaisang espirituwal na pamilya.—Kawikaan 17:17.