Pumunta sa nilalaman

MARSO 20, 2014
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Guy H. Pierce, Miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, Namatay Na

Guy H. Pierce, Miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, Namatay Na

NEW YORK—Si Guy H. Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, ay namatay noong Martes, Marso 18, sa edad na 79.

Naglingkod si Mr. Pierce sa iba’t ibang komite na nangangasiwa sa pambuong-daigdig na pagtuturo at iba pang gawain ng mga Saksi. Dahil sa kaniyang atas, nakapaglakbay siya sa maraming lugar, at ginamit niya ang mga pagkakataong iyon para patibayin ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Kahit abala siya, lagi siyang may oras para sa mga nangangailangan ng tulong o payo, at palagay ang loob sa kaniya ng iba dahil palangiti siya at palabiro. Napansin ng mga malalapít sa kaniya na nakakagaanan siya ng loob ng iba’t ibang uri ng tao. Sa isang diskurso sa graduation ng mga buong-panahong ministro, sinabi ni Mr. Pierce ang payong ito na isinabuhay niya mismo: “Maging matatag sa matuwid na mga simulain, ngunit maging handang makibagay. Huwag hamakin yaong mga tao sa inyong atas dahil sa naiiba ang kanilang kultura.”

Ipinanganak si Guy Hollis Pierce sa Auburn, California, noong Nobyembre 6, 1934. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong Agosto 14, 1955, sa edad na 20. Noong Mayo 30, 1977, ikinasal sila ni Penelope (Penny) Wong, isang kapuwa Saksi, at nagkaroon sila ng mga anak. Sina Mr. at Mrs. Pierce ay naging mga buong-panahong tagapagturo ng Bibliya (o mga regular pioneer). Nang maglaon, si Mr. Pierce ay naging isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, na dumadalaw sa mga kongregasyon sa buong Estados Unidos para pasiglahin ang iba pang buong-panahong tagapagturo ng Bibliya at ang mga lokal na miyembro ng kongregasyon. Noong 1997, ang mag-asawang Pierce ay inanyayahang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Noong Oktubre 2, 1999, ipinatalastas na si Mr. Pierce ay hinirang na maging miyembro ng Lupong Tagapamahala.

Si Mr. Pierce ang chairman ng ika-129 na taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, na ginanap noong Oktubre 5 at 6, 2013. May kabuuang bilang na 1,413,676 sa 31 bansa ang dumalo mismo o nakapanood ng miting na ito sa pamamagitan ng webcast. Ayon sa opisyal na website ng mga Saksi, ito na ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova.

Naiwan ni Mr. Pierce ang kaniyang asawang si Penny, ang kanilang anim na anak, mga apo, at mga apo sa tuhod. Hindi rin siya malilimutan ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo na itinuring niyang mga kapamilya.

Binanggit ng mga kapuwa niya miyembro ng Lupong Tagapamahala na siya ay may “matibay na pananampalataya at matatag na paninindigan sa mga batas at simulain ni Jehova.” Sinabi rin nila: “Ang alaala ng kaniyang buhay bilang isang taong malakas ang loob at tapat ay magpapatibay sa amin sa loob ng maraming taon.”

Media Contact:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000