Pumunta sa nilalaman

BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Crimea

Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Crimea

Ang walang-awang pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova ay umabot na sa Crimea. Sa Russia, hindi lang ipinagbawal ng gobyerno ang legal na korporasyon ng mga Saksi, ipinakita rin nilang gusto nilang alisin ang mapayapang pagsamba ng mga ito. Nang magsimula ang pagbabawal noong Abril 2017, maraming beses nang ni-raid ng mga awtoridad sa Russia ang mga pagtitipon ng mga Saksi sa buong bansa, kaya maraming Saksi ang inaresto at ipinakulong. Iyan din ang nararanasan ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa Crimea.

Ang unang malawakang pag-raid sa Crimea ay naganap noong Nobyembre 15, 2018, sa Dzhankoy, nang i-raid ng mga 200 pulis ang walong bahay kung saan nagtitipon ang mga Saksi para basahin at pag-usapan ang Bibliya. Pinasok ng di-bababa sa 35 armado at nakamaskarang pulis ang bahay ni Sergey Filatov, kung saan anim na Saksi ang nandoon. Na-trauma ang mga Saksi sa pangyayaring ito. Sa ginawang raid ng mga pulis, isang 78-anyos na lalaki ang itinulak sa pader, pinadapa, pinosasan, at binugbog kaya kinailangan siyang dalhin sa ospital. Sa pagkabigla at sa sobrang stress, dalawang may-edad na brother ang tumaas ang presyon ng dugo at kinailangang isugod sa ospital. Nakakalungkot din na sa isang bahay na ni-raid, isang sister ang nakunan.

Pagkatapos ng raid, kinasuhan si Mr. Filatov ng pag-oorganisa ng gawain ng “ekstremistang organisasyon” batay sa Article 282.2(1) ng Russian Criminal Code. Noong Marso 5, 2020, sinentensiyahan ng isang district court sa Crimea si Mr. Filatov ng anim-na-taóng pagkabilanggo sa isang general regime prison colony. Pagkatapos ng sentensiya, ikinulong siya agad.

Pagkatapos ng raid sa Dzhankoy noong 2018, patuloy na hinahalughog ng mga opisyal ng special forces ang mga bahay ng mga Saksi na inaakusahang gumagawa ng ekstremistang mga gawain. Nangyari ang pinakahuling raid noong Mayo 22, 2023. Noong 6:30 ng umaga, mahigit 10 opisyal—armado ang 5 sa kanila—ang nag-raid sa isang bahay sa Feodosia. Pinadapa nila ang mga Saksi habang hinahalughog nila ang bahay nang mahigit tatlong oras. Isa sa mga brother ang na-detain at dinala sa Sevastopol para pagtatanungin.

Pagkatapos ng mga raid na ito, may mga sinampahan ng kaso at hinatulan. Sa ngayon, 9 na brother ang nakakulong at may mga sentensiyang hanggang anim-at-kalahating taon. Silang lahat ay inakusahan na nagtataguyod ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon.

Time Line

  1. Hulyo 18, 2024

    Siyam na Saksi ni Jehova ang nakakulong ngayon sa Crimea.

  2. Mayo 22, 2023

    Ni-raid ng mga law-enforcement officer ang bahay ng isang Saksi sa Feodosia. Kinuha ang mga gadyet at na-detain ang isang Saksi.

  3. Agosto 5, 2021

    Hinalughog ang walong bahay ng mga Saksi. Inaresto sina Aleksandr Dubovenko at Aleksandr Litvinyuk.

  4. Oktubre 1, 2020

    Siyam na bahay ang ni-raid sa Sevastopol. Si Igor Shmidt ay inaresto at kinulong bago litisin.

  5. Hunyo 4, 2019

    Ni-raid ng mga opisyal ng special force ang 10 bahay sa Sevastopol. Pagkatapos, kinasuhan si Mr. Stashevskiy ng pag-oorganisa ng mga ekstremistang gawain.

  6. Marso 20, 2019

    Ni-raid ng mga opisyal ng special force ang walong bahay sa Alupka at Yalta. Isinailalim si Mr. Gerasimov sa interogasyon at, nang maglaon, kinasuhan siya dahil sa pag-oorganisa ng ekstremistang mga gawain.

  7. Nobyembre 15, 2018

    Ni-raid ng mahigit 200 pulis ang walong bahay sa Dzhankoy, pati na ang bahay ni Mr. Filatov.