Pumunta sa nilalaman

MARSO 28, 2018
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Nagkaisa ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Mundo na Magpadala ng Sulat sa Russia

Nagkaisa ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Mundo na Magpadala ng Sulat sa Russia

Noong Marso 21, 2017, Martes, inanyayahan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang mga kapatid sa buong mundo na sumulat ng apela sa pinakamatataas na opisyal ng gobyerno na nagbabantang ipagbawal ang gawain natin sa buong Russian Federation. Walang nakaaalam kung ilang sulat ang nakarating sa mga awtoridad ng Russia, pero ang ilang sumulat ay napadalhan ng opisyal na liham na nagsasabing natanggap ang sulat nila. Hindi pinakinggan ng gobyerno ng Russia ang magalang na pakiusap sa kanila at inabuso nila ang kanilang awtoridad para hadlangan ang pagsamba ng mga kapatid natin. Pero kitang-kita sa kampanya ang kahanga-hangang pagkakaisa ng organisasyon ni Jehova sa buong daigdig. Malinaw ring naipakita sa mga kapuwa natin mananamba sa Russia na handa silang suportahan ng mga kapatid nila sa buong mundo.—1 Pedro 2:17.

Gumagawa ng sulat ang isang batang babae sa Bolivia.

Maraming Saksi ang gumawa ng malaking pagsisikap para makasama sa kampanyang ito. Sa ilang bansa, napakamahal magpadala ng sulat sa Russia, kaya tinulungan ng mayayaman ang mahihirap na makapagpadala ng sulat. May mga Saksi naman na nagpadala ng sulat nila sa mga kaibigan nila sa ibang bansa kung saan mas mura ang pagpapadala ng liham sa Russia. Maraming kapatid ang nagtipon bilang isang pamilya o kongregasyon para sama-samang sumulat ng liham at ipadala ang mga ito nang bultuhan. Kaya nakatipid sila sa pagpapadala ng liham at lalo pa silang napalapit sa isa’t isa at kay Jehova.

May mga ulat pa nga na tumulong ang ilang empleado ng koreo sa kampanya. Halimbawa, isang manager sa Barranquilla, Colombia, ang nagsabi: “Hangang-hanga ako sa pagkakaisa ng mga miyembro ninyo sa buong mundo, at nagtutulong-tulong kayo para sa isang mabuting bagay gaya ng isyung ito sa Russia. Naisip ko na ang nangyayaring ito sa Barranquilla ay nangyayari din sa bawat lunsod sa buong mundo. Malaki ang magiging epekto ng mensaheng ito sa buong mundo, at sana makita rin ng iba kung gaano ito kahalaga.” Sa Anseong, South Korea, isang postmaster ang gumawa ng espesyal na window para sa mga Saksi ni Jehova na magpapadala ng liham, at nagbigay pa nga siya ng libreng mga sobre na pang-international mailing.

Sama-samang gumagawa ng sulat ang mga miyembro ng isang kongregasyon sa Guinea.

Ipinaliwanag ni Yaroslav Sivulskiy, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova: “Nang marinig ng mga kapatid sa Russia ang panawagan ng Lupong Tagapamahala na magpadala ng sulat ang mga kapatid sa buong mundo para sa kapakanan nila, alam nilang anuman ang maging desisyon ng korte, hindi sila nag-iisa.”

Sinabi ni Mark Sanderson ng Lupong Tagapamahala: “Kitang-kita sa kampanyang ito ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova. Habang palapit tayo nang palapit sa katapusan ng sistemang ito, lalo nating kailangang magkaisa para makaligtas. Habang hinihintay natin kung paano kikilos si Jehova, gagawin natin ang lahat ng magagawa natin para matulungan ang mga kapatid natin sa Russia. Patuloy rin tayong magkakaisa sa pagsusumamo kay Jehova at magtitiwalang lagi silang aalalayan ng Diyos.”—Awit 65:2.

 

Austria

Bolivia

Bosnia and Herzegovina

Denmark

Ecuador

Germany

Ghana

Guatemala

Indonesia

Japan

Nepal

Romania

Rwanda

Slovakia

Spain

Sri Lanka

Switzerland

Tanzania

Zambia