NOBYEMBRE 29, 2018
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Walong Bahay ng mga Saksi sa Crimea ang Ni-raid ng mga Pulis sa Russia
Noong Nobyembre 15, 2018, Huwebes ng gabi, walong bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Crimea ang ni-raid ng mga 200 pulis mula sa Federal Security Service (FSB) ng Russia.
Pumasok ang mga pulis na ito nang nakamaskara at may mga dalang armas. Sa pagkabigla at sa sobrang stress, dalawang Saksi ang tumaas ang presyon ng dugo at kinailangang isugod sa ospital. Nakakalungkot din na isang sister ang nakunan.
Sa pagre-raid ng mga pulis, sinaktan nila ang 78-anyos na si Aleksandr Ursu. Itinulak nila siya sa pader, pinilit dumapa, at pinosasan. Dumaan din sa interogasyon ang ilang Saksi.
Sa ngayon, si Brother Sergey Filatov pa lang (nasa kanan) ang napapaharap sa kasong kriminal. Pinaratangan siya ng mga awtoridad na lumabag sa Article 282.2, bahagi 1, ng Criminal Code ng Russia—na ipinapatupad ng Russian Federation sa Crimean peninsula. Si Brother Filatov ay 47 anyos at may apat na anak. Siya ang unang Saksi sa Crimea na kinasuhan sa ilalim ng anti-extremism law ng Russia.
Nag-aalala ang mga kapatid dahil sa mga ulat ng pagre-raid at pag-uusig, pero buong tapang tayong nagtitiwala na palalakasin tayo ng Diyos na Jehova sa mga huling araw na ito na punô ng pagsubok.—Isaias 41:10.