Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 3, 2017
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Maikling Impormasyon Pagkatapos Manalanta ng Bagyong Irma

Maikling Impormasyon Pagkatapos Manalanta ng Bagyong Irma

NEW YORK—Ang mga tanggapang pansangay sa Barbados, Dominican Republic, France, at United States ay nagbigay ng sumusunod na impormasyon kung ano na ang kalagayan ng ating mga kapatid doon pagkatapos manalanta ng Bagyong Irma:

Mga naapektuhan sa mga teritoryong sakop ng sangay sa Barbados—Anguilla, Antigua and Barbuda, Montserrat, Saba, St. Eustatius, St. Kitts and Nevis, at St. Maarten (Dutch side). Iniulat ang matinding pinsala sa Barbuda at St. Maarten.

Ang Barbuda ay isang maliit na isla na may populasyon na mga 1,800 katao. Dahil napinsala ang karamihan ng mahahalagang serbisyo at ang tinatayang 95 porsiyento ng mga bahay rito, ang isla ay idineklarang nasa state of emergency. Kinumpirma ng mga ulat na lahat ng 11 kapatid ay ligtas na nailikas sa kalapit na isla ng Antigua, kung saan inaasikaso ng Disaster Relief Committee (DRC) ang kanilang pangangailangan. Walang iniulat na nasugatan.

Halos 700 mamamahayag ang nakatira sa isla ng St. Martin (kapuwa sa Dutch at French side). Isang sister ang nasugatan. Isang delegasyon, na binubuo ng mga miyembro ng mga tanggapang pansangay sa Barbados at France pati na ng mga medical professional, ang ipinadala sa St. Martin para tulungan ang mga kapatid.

Mga naapektuhan sa mga teritoryong sakop ng sangay sa France—Guadeloupe, Martinique, St. Barthelemy, at St. Martin (French side). Walang iniulat na namatay o nasugatan sa Guadeloupe o sa Martinique.

Nasalanta ang isla ng St. Barthelemy (pangalang Pranses para sa St. Barts), at halos imposibleng makipagtalastasan sa mga mamamahayag sa isla. Pero ang tanggapang pansangay ay tumanggap ng report mula sa tagapangasiwa ng sirkito para sa isla na maayos naman ang kalagayan ng lahat ng 30 mamamahayag at kaunti lang ang pinsala ng Kingdom Hall. Isang DRC ang binuo para isaayos ang pagpapadala ng tubig, pagkain, at iba pang suplay mula sa kalapit na mga isla ng Guadeloupe at Martinique para sa mga kapatid sa St. Barthelemy at St. Martin.

Mga relief goods na inihahanda para ipadala sa isang Assembly Hall sa Guadeloupe.

Mga naapektuhan sa teritoryong sakop ng sangay sa Dominican Republic. Ang Komite ng Sangay ay nagtayo ng limang permanenteng DRC para pangalagaan ang 38,000 mamamahayag ng bansa. Ilang araw bago dumating ang Irma, sa tagubilin ng mga tagapangasiwa ng sirkito, dinalaw ng mga elder ng kongregasyon ang lahat ng mamamahayag para matiyak na ang bawat isa ay gumagawa ng hakbang para maiwasan ang panganib. Sa bahaing mga lugar sa kahabaan ng hilagang baybayin, inilikas ng mga elder ang 1,273 mamamahayag sa mas ligtas na lugar at ang 2,068 mamamahayag na may di-matitibay na bahay ay tinagubilinang manganlong sa mga Kingdom Hall o sa mas matitibay na bahay ng ibang pamilyang Saksi.

Ang ilang bagong Kingdom Hall ay nagtamo ng kaunting pinsala. Limang bahay ng mga pamilyang Saksi ang napinsala. Kinukumpuni ito ng lokal na mga kongregasyon o sa ilalim ng pangangasiwa ng mga DRC. Walang iniulat na namatay o nasugatan.

Mga naapektuhan sa mga teritoryong sakop ng sangay sa United States—Bahamas, Florida, Georgia, Puerto Rico, Turks and Caicos Islands, at ang British at U.S. Virgin Islands. Iniulat namin noon na isang brother at isang sister ang namatay. Wala nang iniulat pang mga kapatid na namatay pero kinumpirma ng sangay na 6 sa ating mga kapatid ang nasugatan at mahigit 3,000 ang lumikas. Sa central Florida at Georgia, pinatuloy ng daan-daang kapatid sa kanilang bahay ang mga nagsilikas.

Sa Florida, ang mga nasa Remote Translation Office (RTO) sa Fort Lauderdale ay inilikas sa West Palm Beach Assembly Hall, kung saan sila tumuloy sa loob ng ilang araw. Ang mga opisina sa RTO ay napinsala dahil sa tubig, at walang kuryente at access sa Internet sa residence sa loob ng ilang araw. Naibalik na ito ngayon, kaya balik na sa normal ang gawain.

Sa mga pasilidad ng paaralan sa Palm Coast, Florida, inilikas ang lahat ng estudyante sa School for Circuit Overseers and Their Wives, pati na ang mga estudyante sa tatlong klase sa School for Kingdom Evangelizers. Isang maliit na grupo ng mga 20 ang nanatiling ligtas sa pasilidad. Walang anumang malaking pinsala sa property doon maliban sa nawalan ng kuryente.

Mga relief goods na tinitipon sa isang Assembly Hall sa Caguas, Puerto Rico.

Inoorganisa ng Disaster Relief Desk sa Service Department at ng Local Design/Construction Department ang pagtulong sa mga biktima ng sakuna para matiyak na ligtas na matatanggap ng ating mga kapatid ang tulong sa tamang panahon.

Ang mga Relief Center ay itinayo sa U.S. para magbigay ng pagkain at tubig sa mga naapektuhan sa mainland. Bukod diyan, tumutulong din ang DRC sa Puerto Rico sa mga kapatid natin sa mga isla.

Sa Caribbean, di-kukulangin sa 61 bahay ang nagkaroon ng kaunting pinsala at 55 bahay ang nagtamo ng malaking pinsala. At di-kukulangin sa dalawang Kingdom Hall ang malubhang napinsala.

Baha sa labas ng isang Kingdom Hall sa Turks and Caicos.

Ang mga kapatid mula sa tanggapang pansangay at sa pandaigdig na punong-tanggapan ay nagpunta sa Florida at sa mga isla para tulungan ang mga kapatid. Inaalam nila ang mga kalagayan doon.

Inaalaala at ipinananalangin natin ang mga naapektuhan ng Bagyong Irma pati na ang lahat ng tumutulong at umaaliw sa mga biktima ng sakuna.—Roma 15:5; 2 Corinto 1:3, 4, 7; 8:14.

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

Barbados: John Medford, +1-246-438-0655

Dominican Republic: Josué Féliz, +1-809-595-4007

France: Guy Canonici, +33-2-32-25-55-55