Pumunta sa nilalaman

Ang District Court ng Bratislava I ay isa sa mga korteng nagpawalang-sala sa mga Saksi ni Jehova na naparusahan noon dahil sa pagtangging maglingkod sa militar.

SETYEMBRE 27, 2018
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Pinawalang-Sala ng mga Korte sa Czech Republic at Slovakia ang Ating mga Kapananampalataya

Nilinis ang Rekord ng mga Tumangging Magsundalo Dahil sa Budhi

Pinawalang-Sala ng mga Korte sa Czech Republic at Slovakia ang Ating mga Kapananampalataya

Nitong nakalipas na mga taon, pinawalang-sala ng mga korte sa Czech Republic at Slovakia ang ating mga kapatid na hinatulang mga kriminal noon dahil sa pagtangging maglingkod sa militar o dahil sa pangangaral—mga gawaing hindi na ngayon itinuturing na krimen. Isa sa binaligtad na hatol ay ang kaso noong 1925. (Tingnan ang talambuhay ni Brother Martin Boor, na pinawalang-sala 90 taon matapos maparusahan.) Ang desisyong ito ng mga korte ay sumuporta sa karapatan ng ating mga kapatid na isagawa ang kanilang relihiyosong paniniwala.

Mula noong Mayo 2017, pinawalang-bisa ng Supreme Court ng Czech Republic ang hatol sa 45 sa ating mga kapatid na nahatulan at nasentensiyahan dahil sa pagtangging maglingkod sa militar noong rehimeng Komunista. Noong Oktubre 2017, pinawalang-sala rin ng Supreme Court si Brother Martin Magenheim, na nasentensiyahan noong 1978 dahil sa pangangaral.

Sa Slovakia naman, pinawalang-sala ng District Court ng Bratislava I ang apat sa ating mga kapatid sa “krimen” ng pagtanggi dahil sa budhi, at ganoon din ang ginawa ng Regional Court sa Trenčín sa isa sa mga kapatid natin. Isang sister, si Eva Borošová, na nasentensiyahan noong 1974 dahil sa pangangaral ang pinawalang-sala ng District Court ng Rimavská Sobota. Noong Enero 9, 2018, kinansela ng District Court ng Michalovce ang hatol sa isang kaso noong 1993 laban kay Brother Miloš Išky Janík. Paulit-ulit siyang sinentensiyahan noon dahil tumanggi siyang maglingkod sa ilang serbisyo sibil na labag sa kaniyang budhi.

Ipinaliwanag ni André Carbonneau, abogado ng mga Saksi ni Jehova: “Nang mapawalang-sala ang mga Saksing nahatulan dahil sa pagtangging maglingkod sa militar o dahil sa pangangaral maraming taon na ang nakalipas, itinaguyod ng mga korteng ito ang isang walang-kupas na simulaing sumusuporta sa karapatang pantao: paggalang sa kalayaan ng isa na sundin ang kaniyang budhi at pagsamba. May panahong hindi iginagalang ng mga bansa ang karapatang pantao. Pero ang pagsisikap ng mga korteng ito na ituwid ang di-makatarungang pagtrato sa mga tumatanggi dahil sa budhi ay naglaan ng isang mabuting halimbawa sa iba pang mga bansa. Bukod diyan, nakatulong ang mga korte na maalis ang batik sa reputasyon ng ating mga inosenteng kapatid. Lubos namin itong ipinagpapasalamat dahil pinahahalagahan ng Bibliya ang isang mabuting pangalan.”—Eclesiastes 7:1.