MAYO 15, 2014
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Mga Internasyonal na Kombensiyon Inianunsiyo ng mga Saksi ni Jehova
NEW YORK—Inianunsiyo ng mga Saksi ni Jehova na magdaraos sila ng tatlong-araw na internasyonal na kombensiyon sa ilang lunsod sa buong mundo pasimula sa Hunyo 2014 hanggang Enero 2015. Magsisimula ito sa United States at pagkatapos ay sa Australia, Ecuador, England, Germany, Greece, Mexico, South Korea, at Zimbabwe. Ang mga internasyonal na kombensiyong ito ay gaganapin kasabay ng mga panrehiyong kombensiyon na idinaraos ng mga Saksi sa maliliit na lugar taon-taon.
Ang mga internasyonal na kombensiyong ito ay dadaluhan ng mga delegado mula sa ibang bansa at may ilan na dadaluhan ng mga misyonero. Sinabi ni J. R. Brown, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York: “Masaya at kapana-panabik ang aming mga internasyonal na kombensiyon. Malamang na masiyahan din ang publiko habang nakikipagtipon silang kasama namin bilang magkakapamilya at magkakaibigan para sa isang napakagandang programa.”
Ang tema ng kombensiyon ay “Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos!” Ipinaliwanag ni Mr. Brown na “itatampok ng programa ang pangunahing tema ng Bibliya at ang dalawang napakahalagang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova: na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag noong 1914 at na si Jesu-Kristo ang Hari ng Kahariang iyon. Sa katunayan, ang kombensiyong ito ang ika-100 taóng anibersaryo ng pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos.”
Naghahanda ngayon ang mga Saksi para sa isang pandaigdig na kampanya ng pag-aanyaya sa iba na dumalo sa kombensiyon sa kanilang lugar. Gaya ng lahat ng ibang pulong ng mga Saksi, wala itong bayad at wala ring koleksiyon.
Ang mga petsa at lokasyon ng 2014 “Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos!” na Kombensiyon ay available sa jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova. Puwedeng kontakin ng mga journalist ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova para sa pangalan ng taong maaaring kontakin at iba pang impormasyon para maibalita ang kombensiyon.
Media Contact:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000