MARSO 30, 2017
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Mga Saksi Naghahanda Para sa Malalaking Pampublikong Pagtitipon sa 2017
NEW YORK—Aanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang publiko na dumalo sa kanilang malalaking pagtitipon sa taóng 2017.
Sa Martes, Abril 11, 2017, malugod na tatanggapin ng mga Saksi sa buong daigdig ang publiko sa kanilang taunang pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon, na tinatawag ding Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Nagsasagawa sila ng isang espesyal na kampanya, na nagsimula noong Sabado, Marso 18, 2017, at matatapos sa Abril 11, 2017, para personal na anyayahan sa okasyong ito ang pinakamarami hangga’t maaari, gamit ang inimprentang imbitasyon na may mga detalye kung saan ito gaganapin. Para sa mga Saksi, ito ang pinakamahalagang okasyon sa buong taon.
Bukod pa sa Memoryal, aanyayahan din ng mga Saksi ang publiko sa isang 30-minutong pahayag na salig sa Bibliya na may temang “Kung Paano Itataguyod ang Kapayapaan sa Isang Galít na Mundo.” Ito ang tampok na paksa sa kanilang pahayag pangmadla sa dulong sanlinggo ng Abril 15 at 16, 2017, sa halos lahat ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
Pasimula sa Mayo 19, 2017, idaraos ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang serye ng tatlong-araw na taunang kombensiyon na may temang “Huwag Sumuko!” Mag-uumpisa ito sa United States at magpapatuloy sa iba’t ibang lugar sa buong daigdig hanggang sa maagang bahagi ng 2018. Sa bawat kombensiyon, magsasagawa ang mga Saksi ng tatlong-linggong kampanya para anyayahan ang publiko sa lokal na lokasyon kung saan gaganapin ang programa.
Ang lahat ng mga pagtitipong ito, pati na ang lahat ng pulong ng mga Saksi ni Jehova, ay walang bayad. Inaanyayahan ang mga media outlet na kumontak sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang rehiyon kung plano nilang mag-ulat tungkol sa pagtitipon sa lugar nila.
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000