MAYO 16, 2017
BALITA SA BUONG DAIGDIG
Sisimulan ng mga Saksi ang Serye ng mga Kombensiyon
NEW YORK—Sa Mayo 19, 2017, sisimulan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang serye ng tatlong-araw na taunang kombensiyon na may temang “Huwag Sumuko!” Ang programa ay gaganapin sa pilíng mga lugar sa buong daigdig at magpapatuloy hanggang sa unang buwan ng 2018. Gaya noong nakalipas na mga taon, ang mga Saksi ay nakikibahagi sa pangglobong kampanya na personal na pag-aanyaya sa publiko na dumalo.
Wala itong bayad at walang hinihinging koleksiyon. “Halos labintatlong milyong tao ang dumalo sa aming mga kombensiyon sa buong daigdig noong nakaraang taon,” ang sabi ni David A. Semonian, tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York. “Umaasa kaming mas marami pa ang dadalo ngayong taon.”
Ang programa ay may 52 bahagi at ihaharap sa iba’t ibang format, kasali na ang maiikling pahayag, interbyu, at maiikling video. Karagdagan pa, mapapanood tuwing hapon ang isang bahagi ng tatlong-bahaging video na pinamagatang Alalahanin ang Asawa ni Lot. Ang mga petsa at lokasyon para sa bawat kombensiyon ay makikita sa opisyal na website ng mga Saksi, ang jw.org/tl. Ang mga media outlet ay maaaring kumontak sa pinakamalapit na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova para sa higit pang impormasyon, pati na ang pangalan ng local media contact para sa mga reporter na planong magbalita tungkol sa kombensiyon.
“Dahil sa mga problema sa buhay, hindi na tayo napapanatag, at naiisip pa nga ng ilan na sumuko,” ang sinabi ni Mr. Semonian. “Makatutulong ang aming kombensiyon ngayong taon kapuwa sa mga Saksi at di-Saksi dahil palalakasin tayo nito hindi lang para patuloy na magbata kundi maharap din nang matagumpay ang mga problema.”
Media Contact:
David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000