AGOSTO 5, 2019
CAMEROON
Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Wikang Bassa sa Cameroon
Inilabas ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Bassa ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa isang panrehiyong kombensiyon sa Douala, Cameroon, noong Agosto 2, 2019. Ang saling ito ay resulta ng 18-buwang pagsisikap. Ito ang unang pagkakataong nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng Bibliya sa isang katutubong wika sa Cameroon.
Si Brother Peter Canning, miyembro ng Komite ng Sangay sa Cameroon, ang nag-release ng Bibliya sa unang araw ng kombensiyon sa Logbessou Assembly Hall, at ang bilang ng dumalo ay 2,015.
Bago ilabas ang saling ito ng Griegong Kasulatan, ang mga kapatid na nagsasalita ng wikang Bassa ay gumagamit ng isang salin na mahirap maintindihan at napakamahal. Sinabi ng isang tagapagsalin sa wikang ito: “Matutulungan ng bagong saling ito ang mga mamamahayag na mas maintindihan ang Bibliya. At mas mapapalalim nito ang pag-ibig nila kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.”
Tinatayang 300,000 ang nagsasalita ng wikang Bassa sa Cameroon. Mayroong 1,909 na mamamahayag na nagsasalita ng wikang Bassa na pinangangasiwaan ng sangay sa Cameroon.
Nakakatiyak kami na ang saling ito na tumpak at madaling maintindihan ay makakatulong sa mga mambabasa na makitang ang “salita ng Diyos ay buháy.”—Hebreo 4:12.