AGOSTO 15, 2022
CAMEROON
Kristiyanong Griegong Kasulatan, Ini-release sa Boulou
Noong Agosto 6, 2022, ini-release ni Brother Gilles Mba, miyembro ng Komite ng Sangay sa Cameroon, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Boulou, sa isang programa na patiunang inirekord. Ang programa ay napanood ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng streaming, at ang Bibliya ay ini-release sa elektronikong format. Ang inimprentang mga edisyon ay makukuha sa 2023.
May makukuha namang ibang salin, pero napakamahal. Ang ilan ay gumagamit ng sinaunang wika at inalis ang pangalan ng Diyos. Isa pa, hindi nila isinasalin nang tumpak ang maraming bahagi ng orihinal na teksto ng Bibliya. Halimbawa, isinasalin ng ilang translation na Boulou ang “Kaharian ng Diyos” na “Tribo ng Diyos,” “Lipi ng Diyos,” “Bansa ng Diyos.” Sa paggamit ng terminong “Kaharian” sa bagong salin na ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, mas madaling ipaliwanag na ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno na itinatag ni Jehova.
Sinabi ng isang miyembro ng translation team: “Gamit ang saling ito ng Bibliya, mapananaligan at makatotohanang mga turo ang maihahatid natin sa tao.”
Nagtitiwala tayo na ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Boulou ay tutulong sa mga kapatid natin na patuloy na tulungan ang “mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”—Mateo 5:3.