ABRIL 17, 2020
CANADA
2020 Memoryal—Canada
Pag-alaala sa Kamatayan ni Jesus sa Pinakaitaas na Bahagi ng Mundo
Sama-samang inalaala ng 27 mamamahayag ng Iqaluit Congregation, sa Arctic Archipelago ng Canada, ang Memoryal gamit ang videoconference. Sa 55 Bible study ng kongregasyon, 12 ang nakanood at masayang-masaya sila na nakasama sila rito.
Mahirap para sa mga Bible study na makapunta sa Memoryal, o baka imposible pa nga. Marami sa kanila ang nakatira sa malalayong bahagi ng teritoryo ng kongregasyon, na may lawak na dalawang milyong kilometro kuwadrado mula Kimmirut hanggang Grise Fiord—ang pinakahilagang komunidad sa Canada.
Sinabi ni Brother Isaac Demeester, isang elder sa Iqaluit Congregation: “Ngayong taon lang nakadalo ang mga Bible study namin sa Memoryal. Inimbitahan ng isang Bible study sa Grise Fiord ang apat na iba pa, kaya may limang tao sa pinakaitaas na bahagi ng mundo na nag-Memoryal kasama namin.”
Dahil sa COVID-19, naging mahirap ang kalagayan at nagkaroon ng mga restriksiyon. Sa sitwasyong ito, natutuhan ng mga kapatid sa Iqaluit Congregation ang kahalagahan ng pag-a-adjust.
Naalala ni Sister Kathy Burechailo: “Nagte-telephone witnessing kami para mapangaralan ang mga nasa silangang Arctic. Interesado ang maraming nakakausap namin sa pinakamalayong bahagi ng teritoryo namin. Nasa bahay sila at kailangan nilang mapatibay.”
“Nakaka-stress ang kalagayan namin ngayon sa Iqaluit dahil nagkakaproblema kami sa pinansiyal at ’di namin alam kung ano ang mangyayari,” ang sabi ni Sister Laura McGregor. “First time naming pamilya na gumawa ng tinapay para sa Memoryal. Nag-enjoy kami. Nagpapasalamat kami na simple lang ang okasyong ito, kaya madali lang naming naihanda ang mga kailangan.”
Sinabi ni Brother Demeester: “Kahit magkakahiwalay kami ngayon dahil sa COVID-19, nakita namin na sa panahong ito ng Memoryal, mas naging malapít ang kongregasyon namin. Hindi namin makakalimutan ang Memoryal ngayong taon!”
Inaasahan ng Iqaluit Congregation na makapagtayo ng sarili nilang Kingdom Hall kapag maayos na ang kalagayan. Pero sa ngayon, alam nating pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila na ipangaral ang mabuting balita sa pinakahilagang bahagi ng Canada—ang isa sa pinakamalayong bahagi ng lupa!—Gawa 1:8.