SETYEMBRE 4, 2017
CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
Mga Saksi sa Central African Republic—Lumikas Dahil sa Digmaan
DOUALA, Cameroon—Dahil sa dumaraming etniko at relihiyosong karahasan sa mga bahagi ng Central African Republic, napilitang lumikas ang mga Saksi ni Jehova sa kalapit na mga bansa ng Cameroon at Democratic Republic of Congo, kung saan sila tinanggap at inasikaso ng kanilang mga kapananampalataya.
Pagkatapos sumiklab ang karahasan, noong Hulyo 13, 2017, mga 15 Saksi ni Jehova at ang kanilang mga pamilya, pati ang isang bagong silang na sanggol, ay lumikas sa nayon ng Mbai Mboum sa silangan ng Cameroon. Nang sumunod na linggo, dahil sa isa pang labanan kung saan sinunog ng mga armadong grupo ang mga bahay, mga 60 Saksi ni Jehova sa Bangassou, Central African Republic, ang tumawid ng border para manganlong sa kapuwa nila Saksi sa bayan ng Ndu, Democratic Republic of Congo.
Sinabi ni Jean-Bernard Fayanga, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Central African Republic: “Natutuwa kaming mabalitaan na walang isa man sa aming mga kapatid ang napatay sa mga digmaang ito. Nakikipag-ugnayan kami sa mga tanggapang pansangay sa Cameroon at Congo para makapamahagi ang mga disaster relief committee sa rehiyon ng maiinom na tubig, pagkain, sapat na tirahan, at espirituwal na tulong sa aming mga kapuwa Saksi.”
Inoorganisa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagtulong sa mga biktima ng sakuna mula sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan, gamit ang mga pondong iniabuloy sa pandaigdig na gawaing pagmiministeryo ng mga Saksi.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Cameroon: Gilles Mba, +237-6996-30727
Central African Republic: Jean-Bernard Fayanga, +236-7575-1605