DISYEMBRE 26, 2023
CHILE
Ibinahagi ng mga Saksi ang Mabuting Balita sa 2023 Pan American Games sa Chile
Ginanap ang 2023 Pan American Games sa iba’t ibang lunsod ng Chile mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 5, 2023. Mahigit 6,900 atleta mula sa 46 na bansa ang nakilahok sa mga sports sa internasyonal na palarong ito. Halos 1,500 Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa espesyal na kampanya ng pangangaral noong panahon ng palaro. Naglagay sila ng mga witnessing cart na may mga literatura sa wikang English, Portuguese, at Spanish. Maraming nakausap na atleta at iba pa ang mga kapatid.
Halimbawa, lumapit sa literature cart ang isang kilaláng atleta. Sinabi niya na noong kabataan pa siya, nakakadalo siya sa mga pulong kasama ng nanay niya. Inaasahan niyang magiging masaya siya dahil malaki na ang kita niya bilang isang atleta, pero hindi iyon nangyari. Nagpasalamat siya sa nakakapagpatibay na mga teksto sa Bibliya na binasa sa kaniya ng mga Saksi.
Lumapit din sa literature display ang isang pulis na dumadalo din sa mga pulong noong kabataan niya. Sinabi niya sa mga brother na naaalala niya ang masasayang panahong kasama niya ang mga kapatid. Itinuro sa kaniya ng brother ang isang kongregasyon na malapit sa lugar niya at ang oras ng mga pulong. Masaya rin niyang tinanggap ang isang Bibliya at ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Sinabi ng pulis na napakasaya niyang makita muli ang mga Saksi ni Jehova.
Sinabi naman ng isang 19-anyos na babae sa isang sister na nasa cart na nanalangin siya kamakailan na tulungan sana siyang maunawaan ang Bibliya. Nang alukin siya ng sister na mag-Bible study, pumayag agad siya. Nang araw ding iyon, nag-Bible study sila ng sister, at regular na silang nag-aaral ng Bibliya mula noon.
Lubos tayong nagpapasalamat sa mga kapatid natin sa Chile na nakibahagi sa espesyal na kampanyang ito ng pangangaral. Ang mga resulta ng pagsisikap nila ay patotoo na hindi nakakalimutan ni Jehova ang mga humahanap sa kaniya.—Isaias 55:6.