DISYEMBRE 31, 2019
CHILE
Ipinagtanggol ng Korte Suprema ng Chile ang Karapatan ng Isang Pasyente
Noong Disyembre 13, 2019, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Chile, na may botong 3-2, pabor sa karapatan ng isang Saksi ni Jehova na tumangging magpasalin ng dugo dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Binago nito ang dating desisyon ng mababang hukuman.
Ang kaso ay tungkol sa isang sister, si Polonia Ríos, na paulit-ulit na hindi pinayagang magpaopera dahil tumanggi siyang magpasalin ng dugo. Nagsampa siya ng reklamo laban sa pampublikong ospital na tumanggi sa operasyon. Noong Agosto 6, 2019, nagdesisyon ang San Miguel Appeal Court pabor sa ospital at hindi kay Polonia.
Pagkatapos, umapela si Sister Ríos sa Korte Suprema ng Chile tungkol sa kaso at pinaboran ito ng korte. Ito ang unang pagkakataong nagdesisyon ang Korte Suprema pabor sa karapatan ng isang adultong pasyente na tumanggi sa isang partikular na panggagamot dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala. Sa mahigit 25 taon, laging nagdedesisyon ang Korte na kung sa tingin ng doktor ay maililigtas ng panggagamot ang pasyente, hindi puwedeng tumanggi ang pasyente.
Ayon sa isang bahagi ng desisyon ng Korte, si Polonia Ríos ay “isang pasyente na gustong mabuhay at tatlong taon nang naghihintay maoperahan . . . [Ang pagtanggi niyang magpasalin ng dugo] ay hindi labag sa batas at hindi nangangahulugan na ayaw niyang magpagamot. Tumanggi siya dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, at dapat itong igalang dahil karapatan niya na pumili ayon sa sinasabi ng kaniyang konsensiya. Ipinapakita rin ng mga ulat na ang operasyon ay puwedeng gawin nang hindi nagpapasalin ng dugo.”
Nakikisaya tayo sa mga kapatid natin sa Chile dahil sa tagumpay na ito sa korte.—1 Corinto 12:26.