MAYO 15, 2015
CHILE
Mga Saksi Tumulong sa mga Biktima ng Baha sa Chile
SANTIAGO, Chile—Dahil sa malalakas na ulan, binaha ang rehiyon ng Atacama sa hilagang bahagi ng Chile noong Marso 25, 2015, na nagdulot ng mga mudslide at biglang pagbaha—ang pinakamalalang sakuna sa lugar na iyon sa loob ng 80 taon. Mahigit 30,000 katao ang naapektuhan nito, at halos 3,000 ang inilikas sa mga emergency shelter at di-bababa naman sa 25 ang kumpirmadong patay.
Ayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Chile, walang Saksi ang namatay o malubhang nasugatan. Pero pitong bahay ng mga Saksi ang nawasak at marami pa ang napinsala. Isang Kingdom Hall, o lugar ng pagsamba, ang nawasak at may dalawa pang napinsala dahil sa baha.
Sa Copiapó, isa sa mga lunsod na pinakamatinding binaha, ang mga Saksi ni Jehova ay bumuo ng isang relief committee para mangalap ng impormasyon at tumulong sa paglilinis. Isang kinatawan din ng tanggapang pansangay ang ipinadala para magbigay ng tulong at espirituwal na pampatibay sa mga Saksing naapektuhan doon. Ang mga Saksi mula sa mga lunsod ng Antofagasta, Arica, Calama, Caldera, Iquique, at La Serena ay agad na nagpadala ng mga suplay para sa kanilang mga kapananampalataya.
Sinabi ni Jason Reed, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Chile: “Nalulungkot kami para sa mga biktima ng sakunang ito, at ang aming relief committee ay handang tumulong sa matagal-tagal na paglilinis at gawaing pagtatayo. Nakapokus din kami sa pagbibigay ng kaaliwan at pampatibay sa lahat ng biktima ng baha.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Chile: Jason Reed, tel. +56 2 2428 2600