HUNYO 9, 2023
COLOMBIA
Isang Napakaespesyal na Asamblea sa Wikang Guambiano at Emberá (Chamí)
Noong Marso 26, 2023, nagkaroon ng isang espesyal na programa sa Cali, Colombia. Sa unang pagkakataon, sabay na ininterpret sa mga wikang Guambiano at Emberá (Chamí) ang isang Spanish na pansirkitong asamblea. Mahigit 1,600 ang dumalo sa programang ito. Kasama rito ang 48 nagsasalita ng Guambiano at 78 naman na nagsasalita ng Emberá (Chamí).
Sa Colombia, mahigit 21,000 na ngayon ang nagsasalita ng wikang Guambiano, at mahigit 77,000 naman ang nagsasalita ng wikang Emberá (Chamí). Noon, walang equipment ang mga Assembly Hall sa Colombia para sabay na mainterpret ang mga programa sa iba’t ibang wika. Kaya dumadalo ang mga nagsasalita ng mga wikang ito sa mga programa ng asamblea sa Spanish, kahit hindi nila gaanong naiintindihan ang Spanish.
Nang malaman ng mga pamilya ng mga katutubong ito ang tungkol sa asamblea, nag-ipon sila agad para dito. Ito ang ginawa ng walong miyembro ng pamilyang Carrasco. Napakalayo ng tirahan nila sa Assembly Hall. Kailangan nilang maglakad nang 3 oras at magbiyahe nang 12 oras sakay ng bus. Pero hindi naging hadlang sa kanila ang layo at laki ng gastos. Mga ilang buwan nila itong pinaghandaan. Gumagawa at nagtitinda sila ng tradisyonal na mga handicraft para may magamit sila sa biyahe. At sa asamblea, ang anak nilang si Henry, na 12 years old, ang isa sa dalawang nabautismuhan na nagsasalita ng wikang Emberá (Chamí). May dalawa ring nagsasalita ng wikang Guambiano na nabautismuhan.
Sinabi ni Sister Adrianin Morales, isang interpreter ng Guambiano sa asamblea: “Napakaganda na ini-interpret ang programa ng asamblea sa wika ko. Ang saya-saya ko kasi narinig ng lahat ng dumalo ang mensahe ni Jehova sa sarili nilang wika.”
Sinabi naman ni Brother Diomedes Velasco, isa pang interpreter sa Guambiano: “Talagang kinabahan ako nang atasan akong mag-interpret. Pero lumakas ang loob ko kasi nakita ko ang mga ginagawa ni Jehova para sa mga katutubo. Napakagandang pribilehiyo ang atas na ito mula kay Jehova.”
Napakasayang makita ang mga tao ng lahat ng wika na nagsasabi: “Halikayo, umakyat tayo sa bundok ni Jehova.”—Isaias 2:3.