HUNYO 8, 2021
COLOMBIA
Pagtulong sa Ating mga Kapatid sa Colombia
Simula pa noong Abril 2021, mayroon nang kaguluhang sibil sa Colombia. Walang Saksi ni Jehova ang namatay o napinsala. Pero sa ilang lugar, mahirap makabili ng pagkain at gasolina. Tinitiis ng ating mga kapatid ang mahirap na kalagayan dahil sa kakulangan ng pagkain at gasolina at dahil sa COVID-19 pandemic.
Para matulungan ang ating mga kapatid, ang Komite ng Sangay sa Colombia ay nag-atas ng limang Disaster Relief Committee (DRC). Nagbibigay sila ng praktikal na tulong habang sinusunod ang mga safety protocol para sa COVID-19. Nagtutulungan ang ating mga kapatid doon, lalo na para makakuha ng pagkain. Naglalaan din ang mga elder ng mga kongregasyon at ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ng espirituwal na tulong para patibayin ang mga kapatid.
Sinabi ni Brother Almond Winklaar, na tumutulong sa isa sa mga DRC: “Napakahirap ng kalagayan namin. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil napakabilis niyang tumulong sa mga lingkod niya sa napakahirap na panahong ito.”
Sa La Loma Arena Congregation, 18 kapatid at ang kanilang mga pamilya ay nakatanggap ng panustos na pagkain. Sinabi ng isang mag-asawang payunir mula sa kongregasyong iyon: “Tuwang-tuwa kami nang tumanggap kami ng kinakailangan naming panustos mula sa Disaster Relief Committee. Sagot ito ni Jehova sa aming mga panalangin. Talagang nagpapasalamat kami sa ating mga kapatid na nagbigay ng kung ano talaga ang kailangan namin at kay Jehova sa pagbibigay sa amin ng lakas na matiis ang kalagayang ito.”
Hangang-hanga ang mga empleado ng isang malaking supermarket kung saan bumibili ang mga DRC ng mga panustos. Sinabi ng isang nagtatrabaho sa supermarket: “Alam ko na dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga bahay namin para magdala ng mensahe mula sa Salita ng Diyos, pero lalo akong humanga sa ginagawa nilang pagtulong sa mga nangangailangan.”
Sa kabila ng mahihirap na kalagayan, patuloy na sumasamba kay Jehova ang ating mga kapatid. Alam natin na ilalaan ni Jehova kapuwa ang materyal at espirituwal na pangangailangan ng ating mahal na mga kapatid habang nananatili silang “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.