MAYO 14, 2024
CÔTE D’IVOIRE
Ibinahagi ng mga Saksi ni Jehova ang Mensahe ng Bibliya sa International Soccer Tournament sa Côte d’Ivoire
Noong Enero 13 hanggang Pebrero 11, 2024, maraming atleta mula sa kontinente ng Africa ang sumali sa ika-34 na Africa Cup of Nations, na isang international soccer tournament. Ginanap ito sa Côte d’Ivoire, at libo-libong tao mula sa 24 na bansa ang dumalo. Sa panahon ng tournament, ibinahagi ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya sa mga dumalo. Naglagay sila ng mahigit 120 cart ng literatura sa limang malalaking lunsod kung saan ginanap ang tournament.
Sa Abidjan, isang kabataang lalaki ang lumapit sa isang cart at naging interesado sa brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Sinabi niya na kamamatay lang ng matalik niyang kaibigan. Nang basahin ng mga brother ang Juan 5:28, 29, talagang napatibay siya. Inimbitahan niya sa bahay ang mga brother para maipagpatuloy nila ang pag-uusap nila.
May isang pulis sa Anyama na lumapit din sa cart. Sinabi niya sa mga Saksi na gustong-gusto niyang basahin ang mga literatura natin na batay sa Bibliya, lalo na ang tungkol sa paglalang at pinagmulan ng buhay. Kahit na abala siya, ibinigay niya ang contact number niya para matawagan siya ng mga brother.
Kinausap naman ng isang lalaki ang mga kapatid sa isang cart sa Abidjan. Sinabi niyang nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong kabataan niya pero nahinto iyon. Sa nakalipas na mga taon, nakita niya ang malaking kaibahan ng mga Saksi ni Jehova sa ibang mga relihiyon. Partikular niyang hinahangaan ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova habang ang ibang relihiyon naman ay nagkakagulo at nagiging marahas dahil sa politika. Humiling siya ng Bible study, at regular na siyang tinuturuan ngayon sa Bibliya ng mga brother.
Masaya tayo na nagkaroon ang mga kapatid natin sa Côte d’Ivoire ng magandang pagkakataon para matulungan ang mga tao mula sa maraming bansa na marinig ang “makapangyarihang mga gawa ng Diyos.”—Gawa 2:11.