HULYO 25, 2014
CROATIA
Mga Saksi Kumilos Para Tulungan ang mga Biktima sa Balkans
ZAGREB, Croatia—Ang mga disaster relief committee na binubuo ng mga boluntaryong Saksi, sa tulong ng mga kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Germany, ay kumilos para tulungan ang mga biktima ng naiulat na pinakamalubhang pagbaha sa Bosnia-Herzegovina, Croatia, at Serbia. Ang malalakas na buhos ng ulan sa Balkans mula Mayo 13-15, 2014 ay nagdulot ng malalaking baha at mga 3,000 landslide.
Naglaan agad ang mga disaster relief committee ng transportasyon, pagkain, damit, at pansamantalang tirahan para sa mga biktima. Bagaman walang Saksi ni Jehova ang namatay o nasugatan sa sakunang iyon, di-kukulangin sa 14 na bahay nila ang nawasak o malubhang napinsala. Nasira din ang isang Kingdom Hall ng mga Saksi. Kasalukuyang nag-oorganisa ngayon ang mga komite para sa pagre-repair at pagre-renovate ng mga nasirang bahay at sa pagtatayo ng mga simpleng bahay para sa mga nawalan ng tirahan.
Sinabi ni Josip Liović, tagapagsalita ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Croatia: “Nakahinga kami ng maluwag nang malaman naming walang napahamak na kapananampalataya namin sa trahedyang ito. Pero nakikisimpatiya kami sa lahat ng nawalan ng kapamilya at kaibigan. Sa buong peninsula ng Balkan, sinisikap naming aliwin ang aming kapuwa. Nagpapasalamat din kami sa mga kaibigan namin sa Germany na sumuporta sa pag-oorganisa ng mga kaayusan sa pagtulong na kakailanganin sa susunod na mga linggo at buwan.”
Media Contacts:
International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Croatia: Josip Liović, tel. +385 91 5336 511
Serbia: Daniel Domonji, tel. +381 11 405 99 00