MARSO 29, 2022
CYPRUS
1922-2022: Tapat na Halimbawa ng mga Kristiyano sa Cyprus sa Loob ng 100 Taon
Sa taóng 2022, 100 taon na mula nang magsimulang mangaral ang mga Saksi ni Jehova sa isla ng Cyprus sa Mediteraneo. Dinalaw ni apostol Pablo ang isla kasama ang isang katutubo roon, si Bernabe, noong unang paglalakbay niya bilang misyonero. Sa modernong panahon, unang nakarating ang mabuting balita sa Cyprus noong 1922 nang matanggap ng isang klerigo ang buklet na Does the Soul Die?
Makalipas ang dalawang taon, bumalik sa Cyprus si Cyrus Charalambous, isang Estudyante ng Bibliya na nakatira sa United States. Masigasig siyang nangaral, at sa pamamagitan ng liham, pinadalhan niya ng tract na Where Are the Dead? ang lahat ng taga-Cyprus.
Ang isa sa mga nakatanggap ng tract ay si Antonis Spetsiotes. Natanto ni Antonis na katotohanan ang nabasa niya. Ipinakipag-usap niya ito sa kapitbahay niyang si Andreas Christou. Ibinahagi naman ng dalawang lalaking ito ang natutuhan nila sa iba pa.
Sinalansang ng Greek Orthodox Church ang pangangaral nila, at sina Antonis at Andreas ay parehong itiniwalag. Pero hindi sila huminto sa pangangaral. Noong mga 1930’s, dahil sa kanilang pangangaral, naitatag ang unang kongregasyon sa isla sa nayon ng Xylophagou.
Tumanggap ng higit na tulong ang mga kapatid sa Cyprus nang dumating ang unang misyonero na sinanay sa Gilead na si Antonios Karandinos noong 1947. Noong 1948, 50 kapatid na ang nangangaral sa isla, at naitatag ang unang tanggapang pansangay. Naitatag naman ang legal na korporasyon noong 1960. Makalipas lang ang dalawang taon, naitayo ang unang Kingdom Hall sa Nicosia. Patuloy na dumami ang bilang ng mga Saksi, at isang bago at mas malaking pasilidad ng Bethel ang inialay noong 1969.
Kasabay ng pagsulong ng gawain, dumating ang pag-uusig. Noong mga 1965, ikinulong ang mga kabataang brother na tumangging magsundalo. Ang ilan sa kanila ay pinahirapan para piliting magsundalo.
Nagkaroon pa ng problema ang mga kapatid noong 1974 nang sumiklab ang digmaan sa isla. Mga 300 kapatid natin ang naging mga refugee. Kailangang umalis ng pamilyang Bethel sa pasilidad ng sangay. Tinulungan ng ating mga kapatid mula sa ibang bansa ang mga kapatid sa Cyprus sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga relief supply. Pinatuloy naman ng ilang brother sa kanilang tahanan ang mga kapatid mula sa Cyprus.
Nang sumunod na mga taon, patuloy na nangaral ang mga kapatid. At noong 2006, naidaos nila ang “Malapit Na ang Kaligtasan” na Pandistritong Kombensiyon sa Limassol. Ito ang unang pagkakataon na nagtipong sama-sama ang lahat ng Saksi ni Jehova sa Cyprus sa loob ng maraming taon.
Mayroon na ngayong 2,866 na Saksi na naglilingkod sa 41 kongregasyon at 17 grupo sa 14 na wika sa isla. Noong 2021, 5,588 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Nakikigalak tayo sa mga kapatid natin sa Cyprus. Alam natin na sa tulong ni Jehova, patuloy silang lalakad nang maayos sa gayong landasin.—Filipos 3:16.