SETYEMBRE 11, 2019
CZECH REPUBLIC
Inilabas ng mga Saksi ni Jehova ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Czech at Slovak
Noong Setyembre 7, 2019, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Czech at Slovak. Si Brother Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang naglabas ng mga Bibliyang ito sa isang espesyal na miting sa Ostrava, Czech Republic. Ibinrodkast ang miting na ito sa mahigit 200 lugar sa Czech Republic at Slovakia, at 25,284 ang dumalo.
Ang mga Bibliyang ito ay resulta ng mahigit apat-na-taóng pagsisikap ng mga tagapagsalin. Madaling basahin ang mga nirebisang salin. Sinabi ng isang miyembro ng Slovak translation team: “Magugustuhan ng marami ang Bibliyang ito dahil masarap itong basahin. Ang mga salitang ginamit ay mas madaling maintindihan at natural, kaya gugustuhin nila itong basahin nang tuloy-tuloy.”
Makikinabang sa mga Bibliyang ito ang mahigit 15,000 Saksi ni Jehova sa Czech Republic at mahigit 11,000 sa Slovakia. Sinabi ng isang miyembro ng Czech translation team: “Sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin, mahalagang mapalitaw ang kahulugan ng orihinal na teksto kaya gumamit ito ng maiikling pangungusap at modernong wika. Madali itong maiintindihan, hindi lang ng matatagal nang Saksi, kundi pati na rin ng mga kabataan at baguhan.”
Ang buong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan o bahagi nito ay naisalin na sa 184 na wika, kasama na ang 29 na kumpletong rebisyong batay sa 2013 na edisyon. Ipinapanalangin nating makatulong ang mga Bibliyang ito para mas maabot ng katotohanan ang puso ng mga nakakabasa nito.—Lucas 24:32.