Pumunta sa nilalaman

Nakapaloob na larawan: Pampublikong pagpapatotoo sa Prague, Czech Republic. Kanan: Mga arena sa Ostrava (itaas) at Prague (ibaba) kung saan ginanap ang ice hockey tournament

HUNYO 28, 2024
CZECH REPUBLIC

Pampublikong Pagpapatotoo sa Ice Hockey World Championship sa Czech Republic

Pampublikong Pagpapatotoo sa Ice Hockey World Championship sa Czech Republic

Mula Mayo 10 hanggang 26, 2024, idinaos ang International Ice Hockey Federation’s world championship sa Czech Republic. Halos 800,000 ang pumunta sa tournament sa mga lunsod ng Ostrava at Prague. Naglagay ang mga Saksi ni Jehova ng mga cart ng literatura sa labas ng mga arena kung saan idinaos ang tournament. Tingnan ang ilang nakakapagpatibay na karanasan.

Lumapit ang dalawang kabataang lalaki sa isang cart at magalang na nagtanong sa mga brother kung sino sila at ano ang ginagawa nila doon. Sinabi ng mga brother ang tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova at ipinaliwanag nila ang iniaalok nating Bible study. Tinanong ng isa kung kailan at saan ginagawa ang pag-aaral ng Bibliya. Sinabi ng mga brother na ang pag-aaral ay puwedeng gawin sa oras at lugar na kumbinyente sa kaniya. Tinanggap niya ang pag-aaral sa Bibliya.

Minsan naman, kinausap ng tatlong lalaki ang ating mga brother at nagulat sila nang malaman nilang wala palang suweldo ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral. Nagtanong ang isa sa mga lalaki: “Kung hindi kayo kumikita, ano’ng napapala n’yo diyan?” Ipinaliwanag ng mga Saksi kung paano nakatulong ang Bibliya para gumanda ang buhay nila at magkaroon sila ng pag-asa. Humanga sila sa sinabi ng mga brother, at isa sa kanila ang nagsabing gusto niyang matuto pa at humingi ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman.

May lalaki naman na ilang beses nadaanan ang mga cart, pero nilalampasan lang ito. Bandang huli, huminto siya at tinanong ang mga Saksi: “Ano’ng pagkakaiba ng paniniwala ninyo sa itinuturo ng relihiyon namin?” Gamit ang Bibliya, ipinakita ng mga brother ang ilan sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Nakinig nang mabuti ang lalaki at nagpasalamat sa malinaw na paliwanag. Pagkatapos, ipinakita ng mga Saksi ang mga feature ng jw.org at kung paano gagamitin ang website para matuto pa nang higit tungkol sa Bibliya at sa mga turo nito.

Pinasasalamatan natin ang ating mga kapatid sa Czech Republic dahil sa masigasig nilang pangangaral ng “mabuting balita ng mabubuting bagay” sa lahat ng makikinig.—Roma 10:15.