SETYEMBRE 28, 2023
DEMOCRATIC REPUBLIC OF THE CONGO
Ini-release ang Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Lingala, Pati ang Ilang Aklat ng Bibliya sa Anim na Iba Pang Wika
Noong Martes, Agosto 29, 2023, ini-release ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Lingala, pati na ang ilang bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin sa mga wikang Alur, Kinande, Kipende, Kisonge, Kituba, at Uruund. Ini-release ito ni Brother Mark Sanderson, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa 75,715 na dumalo sa Martyr’s Stadium sa Kinshasa, Democratic Republic of the Congo, noong “Maging Matiisin”! na Panrehiyong Kombensiyon. Napanood ng karagdagang 219,457 ang programa sa pamamagitan ng video streaming sa 53 Assembly Hall at sa iba pang lugar sa teritoryo ng sangay. Ipinamahagi ang inimprentang mga kopya ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Lingala at ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Kisonge. Makukuha rin sa hinaharap ang inimprentang mga kopya ng iba pang salin. Puwede agad ma-download ang digital format ng lahat ng saling ito. Narito ang mga ini-release:
Alur (Hebreong Kasulatan: Genesis-Job, Awit ni Solomon)
Mga 750,000 ang nagsasalita ng Alur, at marami sa kanila ang nakatira sa Mahagi
1,609 na mamamahayag ang naglilingkod sa 45 kongregasyong nagsasalita ng Alur
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Alur noong 2013
Nasa Bunia ang remote translation office (RTO)
Kinande (Kristiyanong Griegong Kasulatan)
Mga 903,000 ang nagsasalita ng Kinande sa Ituri at North Kivu
4,793 mamamahayag ang naglilingkod sa 78 kongregasyong nagsasalita ng Kinande
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Kinande noong 1998
Nasa Butembo ang RTO
Kipende (Hebreong Kasulatan: Genesis, Exodo, Levitico, Hukom, Ruth, Una at Ikalawang Samuel, at Awit ni Solomon)
Mga 1 milyon ang nagsasalita ng Kipende sa mga lalawigan ng Kasai, Kwango, at Kwilo
3,349 na mamamahayag ang naglilingkod sa 88 kongregasyong nagsasalita ng Kipende
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Kipende noong 1996
Ang RTO ay nasa Kikwit
Kisonge (Hebreong Kasulatan: Genesis, Exodo, at Awit ni Solomon. Kristiyanong Griegong Kasulatan)
Mga 1 milyon ang nagsasalita ng Kisonge, karamihan sa lalawigan ng Lomami
1,043 mamamahayag ang naglilingkod sa 31 kongregasyong nagsasalita ng Kisonge
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Kisonge noong 2006
Nasa Kinshasa ang translation office
Kituba (Kristiyanong Griegong Kasulatan: Mateo, Marcos, Roma, Una at Ikalawang Corinto, Galacia, at Filipos)
Kituba ang wika ng mahigit 12 milyong tao sa timog na bahagi ng Republic of the Congo, gayundin sa Angola at Gabon
2,137 mamamahayag ang naglilingkod sa 30 kongregasyon na nagsasalita ng Kituba
Nagbukas ang RTO para sa Kituba sa Pointe-Noire noong 2019
Lingala (Nirebisang Bagong Sanlibutang Salin)
Mahigit 40 milyon ang nagsasalita ng Lingala
74,023 mamamahayag ang naglilingkod sa 1,266 na kongregasyong nagsasalita ng Lingala
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Lingala noong dekada ng 1960
Ini-release ang Bagong Sanlibutang Salin sa Lingala noong 2009
Ang translation office ay nasa Kinshasa
Uruund (Kristiyanong Griegong Kasulatan: Mateo, Marcos, Roma, at Unang Corinto)
Halos 153,000 ang nagsasalita ng Uruund, na karamihan ay nakatira sa lalawigan ng Lualaba
553 mamamahayag ang naglilingkod sa 19 na kongregasyon na nagsasalita ng Uruund
Unang nagsalin ang mga Saksi ni Jehova ng mga publikasyon sa Uruund noong 1994
Ang RTO ay nasa Kolwezi
Malaking tulong ang bago at nirebisang mga salin na ito sa mga kapatid na nagsasalita ng mga wikang ito. Sinabi ng isang mamamahayag na nagsasalita ng Kituba: “Napansin namin na madalas na hindi nakikinig ang mga tao sa teritoryo namin dahil wala kaming mga publikasyon sa wika nila. Halimbawa, kapag nagbabasa kami ng Bibliya sa French, hindi nila ito naiintindihan. Sa bagong salin na ito, kahit na hindi nakakabasa ang mga tao, puwede silang makinig at makinabang sa Salita ng Diyos.” Ganito ang sinabi ng isang mambabasa tungkol sa pakinabang ng nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa Lingala: “Itinuturing naming isang kayamanan na puwede naming ibahagi sa iba ang pagkakaroon ng Bibliya na madaling maintindihan.”
Sigurado tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga kapatid natin habang ginagamit nila ang bagong salin na ito para maabot ang mga ‘gustong-gustong marinig ang salita ng Diyos.’—Gawa 13:7.