Pumunta sa nilalaman

HUNYO 24, 2020
DEMOCRATIC REPUBLIC OF THE CONGO

Mga Saksi sa Teritoryong Sakop ng Sangay sa Congo (Kinshasa)—Nananatiling Matatag sa Gitna ng Pandemic, Baha, at Digmaan

Mga Saksi sa Teritoryong Sakop ng Sangay sa Congo (Kinshasa)—Nananatiling Matatag sa Gitna ng Pandemic, Baha, at Digmaan

Ang mga kapatid sa ilang lugar sa Democratic Republic of the Congo at Republic of the Congo ay nananatiling matatag sa gitna ng pandemic, baha, at digmaan. Ang tanggapang pansangay sa Congo (Kinshasa), na nangangasiwa sa gawaing pangangaral sa dalawang bansang ito, ay nagsaayos na tulungan ang ating mga kapatid sa materyal at espirituwal. Nakabuo na ang tanggapang pansangay ng 57 Disaster Relief Committee (DRC) sa buong teritoryong sakop ng sangay para maibigay ang kailangan ng ating mga kapatid. May 90,000 kapatid na ang nakatanggap ng suplay ng pagkain.

Noong Abril 16 at 17, 2020, binaha ang mga probinsiya sa silangan ng Democratic Republic of the Congo dahil sa malalakas na ulan. Kaya 139 na kapatid ang lumikas. Tumuloy sila sa bahay ng mga kapatid. Ang mga DRC sa lugar na ito ay naghahanap ng pansamantala o permanenteng mga tirahan para sa mga nagsilikas.

Bukas-palad na nagbigay ang mga kapatid para sa ginagawang pagtulong ng mga DRC. Sa isang lugar, ang mga kapatid ay nakakolekta ng 700 kilo ng saging, 400 kilo ng mais, at 220 kilo ng kamoteng-kahoy at dahon nito.

Pinatuloy rin ng 60 kapatid sa Some 26 Km Congregation ang 50 sa ating mga kapatid mula sa mga lugar na naapektuhan nang husto ng digmaan. Ibinahagi ng mga kapatid ang pagkain na mayroon sila sa mga kapatid na nagsilikas hanggang sa dumating ang suplay ng pagkain mula sa DRC.

Ikinuwento ng isang ulo ng pamilya sa Brazzaville, ang kabisera ng Republic of the Congo, ang karanasan niya pagkatanggap ng tulong: “Puwedeng biglang magbago ang buhay. Nakakaraos naman kami sa kaunting suweldo ko sa trabaho at sa kinikita ng asawa ko. Nang magsimula ang COVID-19, wala na kaming mapagkunan ng mapagkakakitaan. Pero hindi nawala ang tiwala namin kay Jehova. Habang pinag-uusapan ang gagawin namin kapag naubos na ang pagkain namin, biglang dumating ang tulong ni Jehova.”

Ganiyan din ang sinabi ni Sister Mbuyi Ester, isang biyuda mula sa lunsod ng Kinshasa: “Namatay ang asawa ko noong isang buwan, at talagang kailangan ko ng tulong. Wala akong mapagkakitaan at may tatlo akong anak na pinapakain. Hindi namin alam kung saan kami makakakuha ng gano’ng karaming pagkain na tatagal nang maraming araw. Salamat po, Diyos na Jehova!”

Dalangin natin na patuloy sanang pangalagaan ni Jehova ang ating mga kapatid at pagpalain ang relief work. Inaasam din natin ang panahon na masisiyahan ang lahat ng tao sa saganang ani ng lupa.—Awit 72:16.