ENERO 2, 2020
DEMOCRATIC REPUBLIC OF THE CONGO
Sinalanta ng Baha ang Congo
Maraming lugar sa Democratic Republic of the Congo sa central Africa ang delikadong puntahan dahil sa bagyo at matagal na pagbaha. Iniulat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Congo (Kinshasa) na maraming Saksi ang naapektuhan ng pagbaha. Nakakalungkot, isa sa mga kapatid natin ang namatay dahil sa pagbaha sa Kinshasa, ang kabisera ng bansa.
Iniulat ng sangay sa Congo (Kinshasa) ang sumusunod:
Sa timog-kanlurang lalawigan ng Kasai, nasira ang bahay ng anim na pamilyang Saksi dahil sa malakas na hangin at pag-ulan.
Isang Kingdom Hall sa hilagang-kanlurang lalawigan ng Sud-Ubangi ang nalubog sa baha. Tatlong kongregasyon ang gumagamit nito, na may kabuoang bilang na 69 na mamamahayag. May 22 pamilya rin na naapektuhan ng pagbaha. Inatasan ng sangay ang isang special pioneer at isa pang elder para organisahin ang pagbibigay ng materyal at espirituwal na tulong sa mga nasalanta sa liblib na lugar na ito.
Sa lalawigan ng Tshopo, pinalikas ang mga kapatid na nakatira sa tabi ng Congo River. Di-bababa sa isang Kingdom Hall ang nalubog sa baha.
Iniulat ng mga kongregasyon sa Kinshasa na 80 pamilya o higit pa ang naapektuhan ng pagbaha.
Naging marumi ang lugar dahil sa pagbaha, kaya malaki ang posibilidad na magkasakit ang mga tagaroon. Dahil dito, nagbigay ang sangay ng mga paalaala kung paano mapangangalagaan ng mga kapatid ang kanilang kalusugan.
Sa kabila ng mahirap na kalagayang ito, nagtutulungan ang mga kapatid sa materyal na paraan, gaya ng pagbibigay ng pagkain at damit. Tumutulong din ang mga Disaster Relief Committee na pinapangasiwaan ng sangay.
Ang mga panalangin natin, pati na ang materyal at espirituwal na suporta na ibinibigay ng organisasyon ni Jehova, ay tiyak na makakatulong sa pagsisikap nating “aliwin ang lahat ng nagdadalamhati” sa mahirap na kalagayang ito.—Isaias 61:1, 2.