Pumunta sa nilalaman

MARSO 12, 2015
DEMOCRATIC REPUBLIC OF THE CONGO

Democratic Republic of Congo Ipinagbawal sa mga Paaralan ang Diskriminasyon sa Relihiyon

Democratic Republic of Congo Ipinagbawal sa mga Paaralan ang Diskriminasyon sa Relihiyon

“Ang paglaban sa diskriminasyon at di-pagkakapantay-pantay ay isang mahalagang [priyoridad] ng National Education.”—Secretary Offices ng Ministry of Education, Hunyo 12, 2014.

Sa Democratic Republic of Congo (DRC), maraming taon nang pinatatalsik ang mga estudyanteng Saksi mula sa mga paaralang pinatatakbo ng ibang relihiyosong organisasyon dahil hindi sila nakikibahagi sa relihiyosong mga gawain. Naging isyu ito dahil inuna ng mga paaralang iyon ang sarili nilang patakaran kaysa sa mga regulasyon ng gobyerno at binale-wala ang karapatan ng mga estudyanteng Saksi. Nakita ng mga awtoridad sa Congo ang kawalang-katarungang ito at sinuportahan nila ang karapatan ng lahat na makapag-aral nang hindi dumaranas ng diskriminasyon.

Sariling Patakaran Sinusunod ng mga Paaralang Relihiyoso sa Halip na mga Regulasyon ng Gobyerno

Sa Congo, ang mga relihiyosong organisasyon ay nakipagkasundo sa gobyerno na mag-sponsor ng mga pampublikong paaralan sa mga lugar na nangangailangan. Maliwanag na sinasabi sa kasunduan na “ang mga bata ay poprotektahan mula sa mga gawaing nagtataguyod ng diskriminasyon at kawalang-pagpaparaya sa relihiyon.” Pero ang mga paaralang pinatatakbo ng mga relihiyosong organisasyon ay kadalasang may sariling patakaran na humihiling sa mga estudyante na dumalo at sumali sa relihiyosong mga gawain. May mga paaralan na pilit na nagpatupad ng sarili nilang patakaran, at sa gayo’y binale-wala ang kasunduan nila sa gobyerno at ang karapatan ng mga estudyante sa kalayaan sa pagsamba.

Noong 2005, nahayag ang problema nang 52 estudyanteng Saksi ang patalsikin mula sa isang paaralang pinatatakbo ng relihiyosong organisasyon sa Abumombazi, Equateur Province, dahil humiling sila ng eksemsiyon sa relihiyosong serbisyong isinaayos ng mga awtoridad sa paaralan. Lumala ang problema nang gawin din ito ng mga paaralang pinatatakbo ng relihiyosong organisasyon sa ibang mga probinsiya. Kaya umabot sa mahigit 300 Saksing taga-Congo mula sa lahat ng baytang ang pinatalsik, kasama na ang mga malapit nang magtapos.

Matapos siyang di-makatuwirang patalsikin sa paaralan noong 2009, isinulat ng 13-anyos na si Kanyere Ndavaro: “Lungkot na lungkot ako sa pinsalang ito sa buhay ko. Paano na kaya ang kinabukasan ko?” Sinabi naman ni Kambere Mafika Justin, na pinatalsik bago siya mag-graduate noong 2010, na “nagulo” ang buhay niya. Pero kahit dismayado ang mga estudyante dahil pinagkaitan silang makapag-aral o makapagtapos, hindi nila ikinompromiso ang kanilang paniniwala.

Itinaguyod ng mga Opisyal sa Congo ang Kalayaan sa Relihiyon

Ang mga magulang ng mga estudyanteng pinatalsik ay nakipag-usap sa mga school administrator para lutasin ang problema pero bigo sila. Dahil dito, isinangguni ng mga Saksi ang isyung ito sa mga awtoridad ng gobyerno at nakakita sila ng makatuwirang mga opisyal na tutulong sa kanila na pahintuin ang diskriminasyon sa relihiyon.

Noong 2011, si Mme. Bazizane Maheshe, Minister of Education ng North Kivu Province, ay nagpadala sa mga probinsiya ng isang liham-sirkular na “Ban Placed on Discrimination Based on Religion,” kung saan inilarawan niya ang sitwasyon bilang “napakasama.” Tinukoy ng sirkular ang isyu sa pagsasabing: “Ang mga estudyante na kabilang sa ilang relihiyon ay dumaranas ng diskriminasyon dahil sa sariling patakaran ng mga paaralan na labag sa mga regulasyong ipinatutupad sa DR Congo.”

Noong Setyembre 4, 2013, nalaman ng buong bansa ang tungkol sa isyung ito nang maglabas si Mwangu Famba, Minister of Education ng Democratic Republic of Congo, ng isang decree para sa lahat ng paaralan sa lahat ng distrito. Sa “Circular on the Prohibition of Discrimination Based on Religion,” maliwanag na sinabi: “Ang lahat ng bata ay may karapatang makapag-aral sa alinmang paaralan nang hindi dumaranas ng diskriminasyon dahil sa relihiyon.” Binanggit din ng decree na ang pagpapatalsik sa mga estudyante sa relihiyosong kadahilanan ay “tahasang paglabag sa pamantayan at batas na ipinatutupad sa Democratic Republic of Congo.”

Marami nang paaralan ang sumunod sa opisyal na mga utos at muli nilang pinapasok ang mga estudyanteng Saksi. Pero may ilang paaralan pa rin na tumanggi. Kaya noong Hunyo 12, 2014, ang Ministry of Education ay nagpalabas ng isang memorandum na nagpapatibay sa decree noong Setyembre 2013 at bumabanggit sa bagong batas sa edukasyon * na inilabas ng Presidente ng DRC. Ipinaalaala ng memorandum ang dahilan ng problema sa pamamagitan ng pagtatampok ng kahalagahan ng paglaban sa diskriminasyon at idiniin nito na nakahihigit ang pambansa at internasyonal na mga batas kaysa sa sariling patakaran ng mga paaralan. Nagtalaga rin ang Minister of Education ng mga imbestigador na pupunta sa mga paaralan sa buong bansa para tiyakin na sinusunod ng mga ito ang decree. Tiyak na ang mga hakbang na ito na ginawa ng gobyerno ay magdudulot ng positibo at pangmatagalang resulta.

Mga Pakinabang Para sa Marami

Hangga’t sumusunod sa batas ang mga paaralan sa Congo, ang lahat ng estudyante ay makaaasa na makapag-aaral sila nang malaya mula sa diskriminasyon sa relihiyon. Matututo ang mga batang mag-aarál na igalang ang lahat ng tao, anuman ang kanilang paniniwala. Sa paggawa nito, naitataguyod ng mga paaralan sa Congo ang Konstitusyon ng DRC at ang decree ng Minister of Education, at nakapagpapakita rin sila ng halimbawa sa pagiging patas sa mga kabataan.

^ par. 12 No. 014/004/2014 “Ang bagong batas sa Edukasyon ... ay nagbibigay sa mga magulang ng kalayaan na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralang gusto nila. ... Ang paglaban sa diskriminasyon at di-pagkakapantay-pantay ay isang mahalagang [priyoridad] ng National Education.”