HULYO 25, 2017
DEMOCRATIC REPUBLIC OF THE CONGO
Tinulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga Biktima ng Labanan sa Congo
KINSHASA, Congo—Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng materyal at espirituwal na tulong para sa kanilang mga miyembro na naapektuhan ng karahasan na nagdulot ng malaking takot sa rehiyon ng Kasai sa Democratic Republic of the Congo. Ang mapanganib at pinagsama-samang etnikong labanan, armadong militia, at kaguluhang sibil sa Congo ang dahilan ng krisis ng mahigit 1.3 milyong tao na nagsilikas, kasama na ang mahigit 30,000 mula sa Kasai na tumakas tungo sa Angola. Marami sa nagsilikas ang brutal na sinalakay at pagdating sa Angola ay kailangang gamutin dahil sa pagkapaso o malubhang sugat mula sa itak at bala. Iniulat ng pinakahuling balita na mahigit 870 nagsilikas sa Angola ay mga Saksi ni Jehova at ang kanilang menor-de-edad na mga anak, at di-kukulanging 10 sa kanila ay sugatán. Nakalulungkot, 22 Saksi ni Jehova ang iniulat na pinatay.
“Nalulungkot kami na napakarami ng naging biktima ng labanan, lalo pa’t napakabata ng ilan,” ang sabi ni Robert Elongo, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang tanggapang pansangay sa Kinshasa. “Ang ilan ay sinalakay dahil lang sa malapit sila sa lugar kung saan sumiklab ang marahas na labanan. Labis kaming nababahala sa kaligtasan ng aming mga kapananampalataya at hinimok namin silang mag-ingat. Kasama ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Angola, ginagawa namin ang lahat para matulungan sila sa materyal, emosyonal, at lalo na sa espirituwal na paraan.”
Ang mga Saksi ni Jehova sa Angola at Congo ay nagtatag ng mga disaster relief committee para organisahin ang isinasagawang malawak na pagtulong sa mga biktima ng sakuna. Mahigit 34 na tonelada (31 metric ton) ng iniabuloy ang dinala sa mga nagsilikas, kabilang ang mga kumot, damit, pagkain, kulambo, at sapatos, gayundin ang 525 kilo (1,157 lbs.) na medical supplies. Dinalaw rin ng isang doktor na Saksi ni Jehova ang mga refugee camp para tulungan ang 135 nangangailangan ng agarang paggamot.
Bukod diyan, dinalaw rin ng mga kinatawan mula sa tanggapang pansangay ng Angola at Congo ang mga nagsilikas para bigyan sila ng espirituwal na tulong, kabilang dito ang pagdaraos ng espesyal na mga pulong at mga pahayag mula sa Bibliya na angkop sa kalagayan ng mga nagsilikas. Bagaman Portuges ang pangunahing wika sa Angola, nagsaayos din ng mga pulong sa Tshiluba, isa sa apat na pangunahing wika sa Congo, para sa kapakinabangan ng mga nagsilikas, gaya ng ipinakikita sa larawan.
Inoorganisa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagtulong sa mga biktima ng sakuna mula sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan na nasa Warwick, New York, gamit ang iniabuloy na mga pondo para sa pandaigdig na gawaing pagmiministeryo ng mga Saksi.
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000
Angola: Todd Peckham, +244-923-166-760
Democratic Republic of the Congo: Robert Elongo, +243-81-555-1000