Pumunta sa nilalaman

AGOSTO 22, 2023
DOMINICAN REPUBLIC

Gumawa ang Tanggapang Pansangay sa Dominican Republic ng Visitor Center

Gumawa ang Tanggapang Pansangay sa Dominican Republic ng Visitor Center

Mula noong Agosto 14, 2022, mayroon nang Visitor Center ang mga Saksi ni Jehova sa tanggapang pansangay sa Dominican Republic na nasa Santo Domingo. Ang center ay may exhibit na may temang “Di-natitinag na Pananampalataya.” Makikita sa exhibit kung paano nanindigan ang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic, gaya ng maraming kapatid sa buong mundo, sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig.

Tulay sa isang maliit na sapa sa Bethel na papunta sa Visitor Center

Itinatampok sa exhibit ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic. Kasama dito kung paano sila nagsimulang mangaral ng mensahe ng Kaharian gamit ang ating salig-Bibliyang mga publikasyon at mga ponograpo. Makikita rin dito kung paano ginamit ang mga diyaryo at radyo para maibahagi ang katotohanan mula sa Bibliya sa maraming tao. Malalaman ng mga nagtu-tour ang tungkol sa kasaysayan ng mga unang misyonero sa Dominican Republic noong 1945.

Nangaral ang unang mga misyonero sa mga tubuhan gamit ang maliliit na railcar na tinatawag ng mga tao doon na mga speeder, gaya ng dilaw na kotse sa larawan sa itaas

Makikita rin doon kung paano patuloy na nangaral ang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic kahit noong pagbawalan silang mangaral. Sa kabila ng matinding pagsalansang, lakas-loob nilang kinopya at ipinamahagi ang ating mga publikasyong salig sa Bibliya. Sa paglipas ng panahon, maraming tao ang natuto ng katotohanan at naging Saksi ni Jehova. Sa dulo ng exhibit, itinatampok ang mga gawain ngayon ng mga kapatid natin sa Dominican Republic at ang mga paraan ng pangangaral nila.

Sinabi ni Brother Leonel Peguero, na naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Dominican Republic: “Sa pamamagitan ng mga larawan at interactive na mga audio at video display, malalaman sa exhibit ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, kung paano nagsimula ang gawain nila sa bansa, at ang gawain nila ngayon. Inaanyayahan namin ang lahat na magpunta sa exhibit. Siguradong mae-enjoy nila ito.”