MARSO 9, 2022
ECUADOR
Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan—Ini-release sa Diyalektong Quichua na Chimborazo at Imbabura
Noong Sabado, Marso 5, 2022, ini-release ni Brother Alan Costa, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Ecuador, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa diyalektong Quichua na Chimborazo at Imbabura. Dalawa ito sa pangunahing diyalekto ng wikang Quichua sa Ecuador. Ang mga Bibliya ay inilabas sa elektronikong edisyon at inimprentang edisyon sa isang programa, na napanood ng mga kapatid sa video streaming.
Karamihan ng mga taong nagsasalita ng Quichua ay nakatira sa Andes Mountains, mga 2,700 hanggang 3,700 metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Malalapít sa isa’t isa ang mga nakatira dito at kilala rin sila sa pagiging mapagbigay, masipag, at mapagpatuloy. Marami ang naniniwala sa Maylalang at may matinding paggalang sa Bibliya.
Noong mga 1990’s, isinalin ng mga Saksi ni Jehova ang mga publikasyon sa tinatawag na Unified Quichua, pinagsama-samang diyalekto sa Ecuador. Pero kakaunti lang ang interesado sa mensahe ng Kaharian sa lugar na nagsasalita ng Quichua. Maliwanag na kailangan ng mga kapatid ang mga literaturang isinalin sa mga diyalekto para tanggapin ng mga tao ang mensahe ng Kaharian.
Tinulungan ng mga kapatid na nakatira sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang Quichua translation team. “Sa tulong nila, naisalin namin ito sa wika na maiintindihan ng lahat,” ang sabi ng isang translator, na tumulong sa paggawa ng Chimborazo Bible. Sinabi ng isang translator mula sa Imbabura team: “Patuloy kaming ginagabayan ni Jehova, at gusto ni Jehova na malaman ng lahat ang kaniyang Salita at maunawaan ito.”
Magiging pagpapala ang dalawang bagong salin na ito sa mga kapatid na nagsasalita ng Quichua habang naglilingkod sila sa ating Diyos na Jehova, ang “Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tao.”—1 Timoteo 4:10.