SETYEMBRE 7, 2021
ECUADOR
Ipinagtanggol ng Constitutional Court ng Ecuador ang Karapatan ng mga Saksi ni Jehova na Malayang Sumamba
Noong Agosto 24, 2021, naipanalo ng mga Saksi ni Jehova ang mahalagang kaso sa korte sa Ecuador. Nagdesisyon ang Constitutional Court na nilabag ang karapatan ng mga katutubo sa komunidad ng San Juan de Ilumán sa Imbabura Province na malayang sumamba. Dahil sa desisyong ito, naipagtanggol ang karapatan ng mga tao sa buong Ecuador na malayang sumamba, lalo na ang karapatan ng mga katutubo. Maaaring gawing basehan ng ibang bansa ang mahalagang desisyong ito.
Noong 2014, sapilitang pinasok ng mga lider ng komunidad ang pag-aari ng mga Saksi ni Jehova para pahintuin ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Pinagbawalan din nila ang mga kapatid na magtipon para sumamba at mangaral sa bahay-bahay. Dinala ng mga kapatid ang kasong ito sa korte. Pero dalawang hukom sa lokal na korte ang hindi pumabor sa mga Saksi, at sinasabing hindi naman nalabag ang kanilang karapatan ayon sa konstitusyon.
Pagkatapos gawin ang lahat ng magagawa nila, dinala ng mga kapatid ang kaso sa Constitutional Court, ang pinakamataas na korte sa bansa. Ipinahayag ng Constitutional Court na nilabag ng mababang korte ang legal na karapatan ng mga Saksi na malayang sumamba. Sinabihan ang mga lider ng komunidad at mga hukom na sangkot sa kaso na mag-aral ng kurso tungkol sa pagpaparaya sa relihiyon at kultura. Hiniling din sa mga lider ng komunidad na tulungan “ang iba’t ibang relihiyon at kultura na mamuhay na magkakasama at payapa at protektahan lalo na ang relihiyosong gawain” ng mga Saksi ni Jehova.
Sinabi ni Philip Brumley, abogado ng mga Saksi ni Jehova: “Kinikilala namin na pinoprotektahan ng mga batas ng katutubo ang kultura ng mga katutubo, pero hindi tama na gamitin ang mga batas na ito para labagin ang mahalagang karapatan ng sinumang mamamayan.”
Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova sa San Juan de Ilumán sa naging desisyon ng Korte.
Natutuwa tayong makita ang ebidensiya ng “kamay ni Jehova” kapag nakikinabang ang ating mga kapatid sa mga tagumpay ng mga kaso sa korte para protektahan ang kalayaang sumamba.—Kawikaan 21:1.