NOBYEMBRE 24, 2023
ECUADOR
Itinampok sa International Book Fair sa Ecuador ang Pinakamatandang Aklat na Hindi Naluluma ng Panahon
Ginanap sa Guayaquil, Ecuador, noong Setyembre 20 hanggang 24, 2023, ang ikasiyam na International Book Fair. Dinaluhan ito nang mahigit 30,000 katao sa Guayaquil Expoplaza. Nagtayo doon ang mga kapatid ng isang exhibition booth na may temang “Ang Pinakamatandang Aklat na Hindi Naluluma ng Panahon.” Ipinakita ng exhibit kung paano nakakatulong ang Bibliya sa lahat, anuman ang edad nila. Makakakuha doon ng mga literatura sa wikang Chinese Mandarin, English, Portuguese, Quichua (Chimborazo), Quichua (Imbabura), at Spanish. Nakibahagi sa exhibit na ito ang mga 150 kapatid. Mahigit 700 inimprentang publikasyon ang ipinamahagi sa mga interesado, at ipinakita sa marami sa kanila kung paano maghahanap ng impormasyon sa jw.org.
Lumapit sa booth ang isang ama na may tin-edyer na mga anak at sinabi sa mga brother na nag-aalala siya sa mga problema ng mga anak niya. Sinabi ng mga brother na hindi naluluma ang mga payo ng Bibliya at makakatulong pa rin ang mga ito sa mga kabataan na maharap ang mga problema nila. Tinanggap ng ama ang mga aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1 at 2. Sinabi niya: “Hindi ko akalaing makakakita ako ng ganito kagandang mga libro sa fair na ito.”
Isang babae ang lumapit sa booth at nagtanong kung puwede siyang makakuha ng Bibliya. Sinabi niya na nakatira siya sa isang lugar na mahigpit ang seguridad, kaya wala siyang gaanong nakikita na mga Saksi ni Jehova. Binigyan siya ng isang sister ng kopya ng Bibliya at sinabi sa kaniya kung paano siya makakapag-aral ng Bibliya nang walang bayad. Pagkatapos, ginamit ng babae ang form sa jw.org para humiling na may dumalaw sa kaniya.
Ganito ang sinabi ng brother na si Diego, na nakibahagi sa exhibit: “Kahit na nakikita ng maraming tao ang logo na jw.org, may ilan sa kanila na hindi talaga nakakaalam ng mensahe natin. Sigurado akong natulungan sila ng booth natin na makita kung gaano kahalaga ang Bibliya sa ngayon.”
Masaya tayong malaman na nakatulong sa iba ang mga kapatid natin sa Ecuador na malaman ang mga payo sa Bibliya na magagamit nila sa buhay. Talagang hindi naluluma ng panahon ang pinakamatandang aklat na ito.—Kawikaan 3:21.