ABRIL 23, 2020
ECUADOR
Nangangaral Mula sa Bahay ang mga Saksi sa Ecuador
Patuloy na naghahanap ng paraan ang mga kapatid sa buong mundo para makapangaral pa rin kahit may COVID-19. Ganiyan ang ginagawa ng mga mamamahayag sa Ecuador.
Sa lunsod ng Ambato, isang pitong-taóng-gulang na mamamahayag, kasama ang nanay niya, ang nagtext sa mga teacher niya. Ganito ang isang text niya: “Hello po, ma’am. Ngayon pong may COVID-19, gusto ko pong sabihin sa inyo ang isang magandang pag-asa. May pangako po na mababasa sa Bibliya sa Apocalipsis 21:4. Puwede po ninyong buksan ang link sa ibaba para sa higit pang impormasyon.”
Nag-reply ang isang teacher: “Salamat, iha. Kahit bata ka pa, malalim ka nang mag-isip.” Nagpasalamat sa kaniya ang isa pang teacher at nagtanong kung may digital format ba ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Sinabi ng teacher na nagkaroon siya dati ng aklat na iyon, pero ipinahiram niya iyon sa estudyante niya. Sinabi ng batang mamamahayag na puwedeng i-download ang aklat sa jw.org.
Isang mag-asawa sa lunsod ng Quevedo ang naghanap ng mga di-Saksi sa contact list nila. Pagkatapos, nagtext sila sa mga ito. Sinabi nila: “Isa akong Saksi ni Jehova. Dahil sa nangyayaring krisis sa ating bansa at sa buong mundo, hindi kami makapangaral sa bahay-bahay, pero gusto ka naming makausap gamit ang videoconference.”
Marami ang pumayag. Isang babae, na hindi nakikipag-usap sa mga Saksi noon, ang nagpasalamat sa mag-asawa dahil sa ginagawa nila. Sinabi ng babae na nai-stress siya dahil sa sitwasyon ngayon. Nag-send ang mag-asawa sa kaniya ng PDF ng Gumising!, Blg. 1 2020, na may pamagat na “Makakayanan Mo ang Stress.” Sa sumunod na pag-uusap, nagpasalamat ang babae dahil sa magasin at sinabi niyang ilang beses na niya itong nabasa.
Si Johana, isang sister na pipi sa probinsiya ng Santo Domingo de los Tsáchilas, ay “sumulat” ng isang liham gamit ang mga drowing. a Kinunan niya ito ng picture at ipinadala sa lahat ng pipi na nasa contact list niya. Pero napadalhan din niya ang isang babaeng hindi pipi. Nag-reply agad ang babae at nagtanong. Dahil hindi iyon maintindihan ni Johana, sinagot iyon ng isang payunir na sister na si Rhonda.
Sinabi ng babae kay Rhonda na napaisip siya sa mga drowing na ipinadala ni Johana. Tinanong niya kung may iba pang teksto sa Bibliya tungkol sa mga nangyayari sa mundo. Binasa sa kaniya ni Rhonda ang Lucas 21:10, 11 at pinadalhan siya ng link sa mga video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa? at Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa? Gusto pa ng babae na ituloy ang pag-uusap nila.
Gaya ni apostol Pablo na ‘lubusang nagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos’ kahit nakakulong, patuloy ring humahanap ng pagkakataon ang mga kapatid natin para makapangaral kahit hindi sila makaalis ng bahay.—Gawa 28:23.
a Dahil maraming pipi ang nahihirapang makaintindi ng nakasulat na mga salita, nagdodrowing ang mga mamamahayag na nagsa-sign language, imbes na magsulat ng mga salita, para ipaliwanag ang isang ideya. Ang isang paraan na madalas gamitin ay ang “mind mapping.” Sa isang mind map, inoorganisa ang mga ideya gamit ang mga picture.