HUNYO 7, 2017
EGYPT
‘Gusto Kong Makitang Mawala Na ang Di-makatarungang Pagbabawal’
Si Ehab Samir ay 52-anyos na taga-Egypt at isang Saksi ni Jehova. Dahil sa mga pagbabawal ng gobyerno ng Egypt sa kanilang pagsamba, “parang mga kriminal” ang pagtrato ng mga awtoridad sa karamihan ng mga Saksi, ang sabi ni Mr. Samir. Kaya naibigan niya ang nabasa niyang artikulo sa isang website na naglalahad ng tunay na kalagayan doon.
Ibinalita online ng Shbab Misr ang artikulong pinamagatang “Dr. Riham Atef Writes: Jehovah’s Witnesses,” na inilathala sa Egypt noong Agosto 19, 2016. Kinuwestiyon ni Dr. Atef, isang assistant professor sa University of Cairo at isang journalist, ang maling pagkakilala sa mga Saksi sa Egypt. May mga kakilala siyang Saksi ni Jehova at, dahil sa maraming research na nagawa niya tungkol sa kanila, sinabi niya: “Kumbinsido ako sa kanilang kabaitan at paggalang sa paniniwala ng iba.”
“Itinataguyod Nila ang Pag-ibig at Kapayapaan”
Sinabi ni Dr. Atef na isinulat niya ito para sa “mga walang alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa mga napopoot sa kanila dahil sa maling impormasyon na natanggap nila.” Binuod niya sa kaniyang artikulo ang ilang pangunahing paniniwala ng mga Saksi at binanggit niya na “marami pang impormasyon sa kanilang website, www.pr418.com.”
Pagkatapos gumawa ng walang kinikilingang pagsusuri sa mga Saksi ni Jehova, napansin ni Dr. Atef ang malaking pagkakaiba sa kung paano karaniwang itinuturing ang mga Saksi sa Egypt. Sinabi niya: “Ipinagbabawal sila, at hindi ko maintindihan ang dahilan. Neutral sila sa politika. ... Itinataguyod nila ang pag-ibig at kapayapaan.” Ikinatuwiran ni Dr. Atef sa kaniyang mga mambabasa: “Ito ba ang mga dahilan para ipagbawal sila? O ipinagbabawal sila dahil naiiba ang kanilang mga turo ng Bibliya sa mga turo ng simbahan?”
‘Gusto Kong Makita na Mawala Na ang Pagbabawal’
Talagang nasiyahan si Mr. Samir sa artikulo tungkol sa mga Saksi ni Jehova kaya naudyukan siyang sumulat ng pasasalamat sa editor. Sinabi niya: “Marami na akong nabasang mga artikulo sa media [sa Egypt] tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ngunit iilang artikulo lang ang may magandang sinasabi hinggil sa kanila. Kaya pinapupurihan ko si Dr. Riham Atef dahil sa kaniyang lakas ng loob at pagkamatapat.” Inilathala online ng Shbab Misr ang sagot ni Mr. Samir noong Disyembre 11, 2016.
Sa kaniyang liham, ipinahayag ni Mr. Samir ang pagkadismaya niya sa walang-katarungang pagtrato sa mga Saksi at sinabing dahil ito sa maling mga kuwento ng mga klerigo ng simbahan. Sinabi ni Mr. Samir na ang mapanirang-puri na mga kuwento ang dahilan ng masamang pagtrato sa kaniya. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pinakamabuting paraan para makilala ang isang tao ay kausapin siya nang personal. Kaya nagpapasalamat ako kay Dr. Riham Atef sa mga isinulat niya.”
Winakasan ni Mr. Samir ang kaniyang liham sa taos-pusong pagsasabi: “Gusto kong makita na mawala na ang di-makatarungang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova para malaya naming maisasagawa ang aming pagsamba sa aming bansa.”
Ang Pag-asa na Magkaroon ng Kalayaan sa Pagsamba
Mga dekada na ang nakalipas, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng kalayaan sa pagsamba sa Egypt at nakarehistro bilang isang relihiyon. Pero noong 1960, itinuring silang ilegal at pinagkaitan ng karapatang pantao at pagsamba na ipinagkakaloob sa iba’t ibang Kristiyanong relihiyon sa Egypt.
Mula noon, patuloy na pinatutunayan ng mga Saksi ni Jehova sa Egypt na sila’y maaasahang mga miyembro ng lipunan, mga taong “nagtataguyod ng pag-ibig at kapayapaan” sa lahat ng kalagayan, gaya ng sinabi ni Dr. Atef. Sang-ayon ang marami kay Mr. Samir sa pagnanais na makitang ipagkaloob sa mga Saksi ang kanilang mahahalagang karapatan at tamasahing muli ang kalayaang sumamba sa Egypt.