OKTUBRE 26, 2022
ERITREA
Nananawagan ang United States Commission on International Religious Freedom na Palayain ang 80-Taóng-Gulang na Saksing Taga-Eritrea
Nag-aalala ang United States Commission on International Religious Freedom (USCIRF) para kay Brother Tesfazion Gebremichael, na nakakulong sa Eritrea nang mahigit 11 taon. Sinabi ng website ng USCIRF na “dahil matanda na si Gebremichael—mga 80 na—nakakabahala ang kaniyang kalusugan habang nakakulong.” Noong Oktubre 7, 2022, hiniling ni Commissioner Frederick Davie ng USCIRF na palayain si Brother Gebremichael.
Inaresto ng mga awtoridad si Brother Gebremichael noong Hulyo 20, 2011, habang ipinapakipag-usap sa iba ang mga paniniwala niya. Ipinanganak siya sa Eritrea pero hindi na siya itinuturing na mamamayan dahil inalis ng gobyerno ang pagkamamamayan ng lahat ng Saksi ni Jehova noong 1994.
Naging Saksi ni Jehova si Brother Gebremichael noong Enero 1971. Kilala siyang maibigin, mabait, at mapayapa na tumutulong sa kaniyang komunidad. Napangasawa niya si Lemlem noong 1974. Saksi ni Jehova rin siya. May apat na anak sila at limang apo.
Sinabi ni Sister Gebremichael: “Kahit na nag-aalala ako sa kalusugan ng asawa ko habang nasa kulungan siya, at nami-miss ko ang pagmamahal at suporta niya, alam kong aalalayan siya ni Jehova. Hanga ako sa katapatan ng asawa ko at sa determinasyon niyang manatiling tapat. Napapatibay ako kapag iniisip ko ang sinasabi sa Eclesiastes 10:4 na manatiling mahinahon habang hinaharap ng pamilya namin ang mga problemang ito.”
Matindi ang pag-uusig ng Eritrea sa mga Saksi ni Jehova mula pa noong 1991. Kahit na 32 Saksi ang pinalaya mula noong Disyembre 2020 hanggang Pebrero 2021, 20 pa rin sa mga kapatid natin ang nakakulong. Hindi alam kung hanggang kailan sila sa kulungan. Dahil hindi nila maipagtanggol ang sarili sa korte o sa iba pang paraan, inaasahan nilang makukulong sila habambuhay.
Kinondena ng malalaking organisasyon ng karapatang pantao ang paulit-ulit na paglabag ng Eritrea sa pangunahing karapatan at hinimok ang administrasyon na ituwid ang sitwasyon. Sinabi pa nga ng UN Commission of Inquiry on Human Rights sa Eritrea noong 2016 na nagkasala ang mga awtoridad sa Eritrea ng “krimen laban sa sangkatauhan” dahil sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pa.
Ang patuloy na pagkakakulong ni Brother Gebremichael ay patunay ng malupit na patakaran ng gobyerno sa mga Saksi, kahit na sa mga may-edad. Mula noong 2011, apat na Saksi ang namatay sa bilangguan at tatlong may-edad na Saksi ang namatay pagkatapos palayain dahil sa matinding paghihirap na dinanas nila habang nakakulong.
Tumanggi ang mga opisyal ng Eritrea sa kahilingan ng mga Saksi ni Jehova na pag-usapan ang bagay na ito.
Patuloy nating ipinapanalangin ang mga kapatid na di-makatarungang nakakulong. Nagtitiwala tayo na palagi silang palalakasin ni Jehova.—Hebreo 13:3.